Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating” (Lucas 12:40).
“Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan” (Lucas 17:24-25).
“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mateo 25:6).
“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20).
“Narito, ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya’y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan” (Pahayag 16:15).
“At ako’y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako’y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12-16).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paanong Siya ay umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Nasabi ba Niya talaga sa iyo? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paanong Siya ay umalis sa isang ulap ngunit nalalaman mo ba talaga kung paano ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talagang nakikita mo, kung gayon paano maipaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sinabi Niya, “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa mga huling araw, hindi Niya malalaman sa ganang Kanyang Sarili, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng lahat ng mga tao. Tanging ang Ama ang makakaalam, iyon ay, ang Espiritu lamang ang makakaalam.” Kung may kakayahan kang makaalam at makakita, kung gayon hindi ba mga salitang hungkag ang mga ito? Hindi nalalaman maging ng Anak ng tao sa ganang Kanyang Sarili, ngunit nagagawa mong makita at malaman? Kung nakita mo gamit ang iyong sariling mga mata, ang mga salita bang iyon ay hindi sinabi nang walang kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus ng panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. … Mangagpuyat nga kayo: sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.” Kapag dumating ang araw na yaon, hindi ‘yon malalaman ng Anak ng tao Mismo. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, na magiging isang normal at karaniwang tao. Maging Siya Mismo ay hindi alam, kayo paano mo nalaman?
mula sa “Ang Pananaw ng Gawain ng Diyos (3)”
Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Ito ay tunay na sinabi ng Diyos Mismo, ngunit alam mo ba na ang hiwaga ng Diyos ay hindi maaarok ng tao? Alam mo ba na ang mga salita ng Diyos ay hindi maipapaliwanag ng tao? Ikaw ba ay tiyak na napaliwanagan at naliwanagan ng Banal na Espiritu? Pinakita ba sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang mga ito ba ang pamamahala ng Banal na Espiritu, o ang mga ito ba’y iyong pagkaintindi? Siya ay nagsabi, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin magagamit ang ating mga sariling pagkaintindi at pag-iisip upang masukat ang mga salita ng Diyos. Para sa mga salita ni Isaias, mayroon ka bang buong pagtitiwala upang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka nagkalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit mo tinatangka na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas itinataas, si Jesus o si Isaias? Dahil ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba ng Diyos sa iyo ang Kanyang gawain nang patiuna? Walang nilalang ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman?
mula sa “Ang Pananaw ng Gawain ng Diyos (3)”
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” … Napakaraming taong kakatwa na naniniwala na ang mga salita ng Banal na Espiritu ay dapat bumaba mula sa kalangitan patungo sa mga tainga ng tao. Sinuman ang nag-iisip ng ganito ay hindi kilala ang gawain ng Diyos. Sa katotohanan, ang mga pagbigkas na binanggit ng Banal na Espiritu ay ang mga binigkas ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi maaaring direktang magsalita ang Banal na Espiritu sa tao, at si Jehova ay hindi direktang nagsalita sa mga tao, kahit na sa Kapanahunan ng Kautusan. Hindi ba mukhang malamang na hindi Niya gagawin ito sa kapanahunan ngayon? Para ang Diyos ay magwika ng mga pagbigkas upang ipatupad ang gawain, Siya ay dapat magkatawang-tao, kung hindi ang Kanyang gawain ay hindi makapagkakamit ng Kanyang hangarin. Yaong mga nagkakaila na ang Diyos ay nagkatawang-tao ay ang mga hindi kilala ang Espiritu o ang mga panuntunan kung paano gumagawa ang Diyos.
mula sa “Paano Makatatanggap ng mga Pahayag ng Diyos ang Taong Ipinakahulugan ang Diyos sa Kanyang Pagkaintindi?”
Sa loob ng libong mga taon, pinananabikan ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinananabikan ng tao na makita si Jesus na Tagapagligtas na nasa puting ulap habang Siya ay bumababa, sa Kanyang pagkatao, sa mga taong nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libong mga taon. Hinangad ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muling makiisa sa mga tao, iyon ay, na si Jesus na Tagapagligtas ay bumalik sa mga tao na napahiwalay sa Kanya sa loob ng libong mga taon. At umaasa ang tao na muli Niyang isasagawa ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya sa mga Judio, magiging mahabagin at mapagmahal sa tao, magpapatawad sa mga kasalanan ng tao, dadalhin ang mga kasalanan ng tao, at papasanin na pati lahat ng mga paglabag ng tao, at ililigtas ang tao mula sa kasalanan. Pinananabikan nila na si Jesus na Tagapagligtas na maging katulad ng dati—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, magiliw at kagalang-galang, na hindi kailanman mabagsik sa tao, at na hindi kailanman sinusumbatan ang tao. Ang Tagapagligtas na ito ay nagpapatawad at pinapasan ang lahat ng mga kasalanan ng tao, at namamatay rin muli sa krus para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulo na sumunod sa Kanya, at lahat ng mga santo na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nalulumbay sa Kanya at hinihintay Siya. Lahat ng mga taong naligtas ng biyaya ni Jesucristo sa panahon ng Kapanahunan ng Biyaya ay nananabik sa nakakagalak na araw sa panahon ng mga huling araw, kapag si Jesus ang Tagapagligtas ay dumating sa isang puting ulap at magpakita sa tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang pagnanais ng lahat ng mga taong tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Sa buong sansinukob, lahat ng mga tao na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay desperadong pinananabikan ang biglaang pagdating ni Jesucristo, upang tuparin ang mga salita ni Jesus nang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Ang tao ay naniniwala na, sumunod sa pagpako sa krus at muling pagkabuhay na mag-uli, si Jesus ay bumalik sa langit sa ibabaw ng isang puting ulap, at naupo sa Kanyang luklukan sa kanan ng Kataas-taasan. Kahalintulad din, nag-iisip ang tao na si Jesus ay bababa muli sakay sa isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libong mga taon, at na dadalhin Niya ang imahe at mga pananamit ng mga Judio. Matapos ang pagpapakita sa mga tao, magbibigay Siya ng pagkain sa kanila, magiging dahilan ng pagbukal ng buhay na tubig para sa kanila, at mamumuhay kasama ng mga tao, puspos ng biyaya at pagmamahal, buhay at tunay. At iba pa. Datapwat si Jesus na Tagapagligtas ay hindi ganito ang ginawa; ginawa Niya ang kabaliktaran nang iniisip ng tao. Hindi Siya dumating doon sa mga taong naghahangad sa Kanyang pagbabalik at hindi nagpakita sa lahat ng mga tao habang nakasakay sa puting ulap. Siya ay nakarating na, subalit hindi Siya kilala ng tao, at nananatiling walang-alam sa Kanyang pagdating. Ang tao ay walang layon na naghihintay lamang sa Kanya, walang malay na nakababa na Siya sakay sa isang puting ulap (ang ulap na siyang Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, at Kanyang buong disposisyon at lahat ng Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa panahon ng mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Bagaman ang banal na Tagapagligtas na si Jesus ay puno ng pagkagiliw at pagmamahal sa tao, paano Siya makakagawa sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at di-malinis na mga espiritu? Bagaman hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga taong kumakain ng laman ng mga di-matuwid, umiinom ng dugo ng di-matuwid, nagsusuot ng mga damit ng di-matuwid, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nangingikil sa Kanya? Ang tanging alam lang ng tao ay na si Jesus na Tagapagligtas ay puno ng pagmamahal at habag, at ang handog para sa kasalanan na puspos ng pagtubos. Ngunit ang tao ay walang ideya na Siya rin ay ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamatuwid, kamahalan, matinding galit, at paghatol, at nag-aangkin ng awtoridad at puno ng dangal. At sa gayon bagaman masugid na nagnanais at nananabik sa pagbabalik ng Manunubos ang tao, at kahit ang Langit ay naaantig sa mga dalangin ng tao, si Jesus na Tagapagligtas ay hindi nagpapakita sa mga taong naniniwala sa Kanya subalit hindi Siya nakikilala.
mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’”
Ang Diyos ay walang imik, at hindi kailanman nagpakita sa atin, ngunit ang Kanyang gawain ay hindi huminto. Binabantayan Niya ang lahat ng lupain, at inuutusan ang lahat ng bagay, at pinagmamasdan ang lahat ng mga salita at gawa ng tao. Ang Kanyang pamamahala ay isinasagawa sa bawat hakbang at alinsunod sa Kanyang plano. Ito ay tahimik na nagpapatuloy, hindi masigabo, ngunit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang upuan sa paghatol ay lumawak hanggang pandaigdigan na kasing-bilis ng kidlat, kasunod nito ang pagpanaog ng Kanyang trono sa ating kalagitnaan. Isang makahari na tanawin yaon, isang marangal at taimtim na larawan. Katulad ng isang kalapati, at katulad ng umaatungal na leon, ang Espiritu at dumating sa ating kalagitnaan. Siya ay matalino, Siya ay matuwid at makahari, Siya ay tahimik na dumarating sa ating kalagitnaan na may angking awtoridad at puno ng pagmamahal at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at higit sa lahat, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang buhay ng tao ay nananatiling hindi nagbabago; gayundin ang kanyang puso, at ang mga araw ay dadaan gaya ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa ating kalagitnaan katulad ng isang karaniwang tao, katulad ng isang hamak na tagasunod at karaniwang mananampalataya. Siya ay may sariling mga gawain, Kanyang sariling mga layunin, at higit sa lahat, Siya ay may pagka-Diyos na wala sa kahit na sinong karaniwang tao. Walang sinuman ang nakapansin sa Kanyang pagka-Diyos, at walang sinuman ang nakaramdam ng kaibahan ng Kanyang diwa at sa kung ano ang sa tao. Tayo ay namumuhay na kasama Siya, malaya at walang takot, dahil nakikita natin Siya bilang hindi hihigit sa isang hamak na mananampalataya.
mula sa “Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo”
Nagkatawang-tao ang Diyos sa lupalop ng Tsina, na ang tawag ng mga kababayan sa Hong Kong at Taiwan ay panloob ng bansa. Nang dumating ang Diyos mula sa itaas tungo sa lupa, walang sinuman sa langit at lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos sa isang lingid na paraan. Mahabang panahon na Siyang nagtatrabaho at namumuhay sa laman, gayon pa man walang sinuman ang nakaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakikilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang hanggang bugtong. Sa panahong ito ang pagdating ng Diyos sa laman ay hindi isang bagay na kahit sino ay may kakayahang mabatid. Gaano man kalaki at makapangyarihan ang gawain ng Espiritu, nananatiling buo ang Diyos, hindi kailanman ibibigay ang Sarili Niya palayo. Maaaring sabihin ng isa na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay parang nagaganap sa makalangit na kaharian. Kahit na ito ay ganap na halata sa lahat ng tao, walang sinuman ang nakakikilala rito. Kapag tinapos ng Diyos ang yungtong ito ng Kanyang trabaho, magigising ang lahat sa kanilang mahabang panaginip at babaligtarin ang kanilang nakaraang mga ugali.[1] … Sa pagsapit ng bukang-liwayway, hindi nalalaman ng sinuman, naparito ang Diyos sa lupa at sinimulan ang Kanyang buhay sa laman. Hindi alam ng mga tao ang sandaling ito. Siguro lahat sila ay nahihimbing, marahil maraming maingat na gising ang naghihintay, at marahil marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayon man sa gitna ng lahat ng maraming mga tao, wala ni isang nakakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos nang tulad nito nang sa gayon mas maayos na maisagawa ang Kanyang gawain at makamit ang mas mahusay na mga resulta, at upang maiwasan din ang maraming mga tukso. Sa pagkagising ng tao sa tagsibol na pagkakaidlip, ang gawain ng Diyos ay matagal na sanang natapos at Siya’y aalis na, dadalhin sa pagtatapos ang Kanyang buhay nang paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa.
mula sa “Gawa at Pagpasok (4)”
Lumilitaw na ang pagpapakita ng Diyos sa lahat ng mga iglesia. Ang Espiritu ang nagsasalita, Siya ay isang naglalagablab na apoy, nagdadala Siya ng kamahalan at humahatol Siya; Siya ang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi.
mula sa “Ang Ikalabinlimang Pagbigkas”
Ang mga taong ayaw tanggapin ang katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sa ibabaw ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang lahing lilipulin. Hinahangad lang ninyo ang biyaya ni Jesus, at gusto lang ninyong matamasa ang napakaligayang kaharian ng langit, subalit hindi naman ninyo sinunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus pagbalik Niya sa Kanyang katawang-tao. Ano ang pinanghahawakan ninyo bilang kapalit ng katotohanan ng pagbalik ni Jesus na nasa ibabaw ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo na paulit-ulit kayong gumagawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay ikinukumpisal ang mga ito, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sa ibabaw ng puting ulap? Ang mga taon ba ng pagtatrabaho na nagpapadakila sa inyong sarili? Ano ang pinanghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Iyon bang mayabang ninyong kalikasan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?
mula sa “Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa”
Sinasabi Ko sa inyo, tiyak na yaong mga naniniwala sa Diyos nang dahil sa mga palatandaan ay tiyak na kategorya na daranas ng pagkawasak. Yaong mga hindi kayang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategorya na sasailalim sa walang-katapusang pagkawasak. Maaaring walang pakialam ang maraming tao sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sa ibabaw ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng pagkamatuwid. Marahil ay magiging panahon iyan ng katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang oras na nasaksihan mong bumaba si Jesus mula sa langit ang iyon ring oras ng pagbaba mo sa impiyerno para parusahan. Ibabadya nito ang pagtatapos ng plano sa pamamahala ng Diyos, at mangyayari kapag ginantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarusahan ang masasama. Sapagkat nagwakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga palatandaan ang tao, kapag pagpapahayag lamang ng katotohanan ang naroon. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga palatandaan, at sa gayo’y napadalisay na, ay nakabalik na sa luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Maylalang. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-katapusang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga palatandaan, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng malupit na paghatol at pinapakawalan ang tunay na daan ng buhay. Kaya maaari lamang na harapin sila ni Jesus kapag hayagan Siyang bumalik nang nasa ibabaw ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang mga gayong mababang-uri? Ang pagbalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga tao na kayang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga tao na hindi kayang tanggapin ang katotohanan, ito’y tanda ng paghuhusga. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at itakwil ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging isang mangmang at mayabang na tao, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang.
mula sa “Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa”
Aking pag-asa na ang mga kapatid na lalaki at kapatid na babae na naghahanap ng pagpapakita ng Diyos ay hindi uulitin ang trahedya ng kasaysayan. Hindi kayo dapat maging mga Pariseo ng modernong panahon at muling ipako ang Diyos sa krus. Dapat ninyong maingat na isaalang-alang kung paanong malugod na tanggapin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat magkaroon ng malinaw na isip kung paanong maging isang tao na nagpapasailalim sa katotohanan. Ito ang pananagutan ng bawat isa na naghihintay kay Jesus na bumalik kasama ang mga ulap. Dapat nating kuskusin ang ating mga espiritwal na mga mata, at hindi dapat mabiktima sa mga salita na puno ng mga paglipad ng guniguni. Dapat nating pag-isipan ang tungkol sa praktikal na gawain ng Diyos, at dapat tingnan ang tunay na panig ng Diyos. Huwag padadala o iwaglit ang inyong mga sarili sa mga pangangarap nang gising, palaging inaabangan ang araw na ang Panginoong Jesus ay biglaang bababa sa inyo mula sa isang ulap upang dalhin kayo na kailanma’y hindi nakakilala sa Kanya ni nakakita sa Kanya, at hindi alam kung paano gagawin ang Kanyang kalooban. Mas mainam na pag-isipan ang praktikal na mga bagay!
mula sa Punong Salita
Mga Talababa:
1. “Babaligtarin ang kanilang nakaraang mga ugali” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga pagkaintindi at pananaw ng mga tao tungkol Diyos sa sandaling makilala nila ang Diyos.