Pag-aasawa: Ang Ikaapat na Sugpungan
Habang tumatanda ang isang tao at nagkakagulang, lalo siyang lumalayo mula sa sariling mga magulang at sa kapaligiran kung saan siya ipinanganak at pinalaki, at sa halip siya ay nagsisimulang humanap ng direksyon para sa sarili niyang buhay at kamtin ang mga layunin niya sa buhay sa paraan ng pamumuhay na iba sa sariling mga magulang. Sa panahong ito, hindi na kailangan ng isang tao ang sariling mga magulang, ngunit sa halip ay isang kapareha na makakasama niya sa buhay: isang asawa, isang tao kung kanino nakabigkis ang kanyang sariling kapalaran. Sa paraang ito, ang unang malaking pangyayari na kinakaharap niya pagkatapos ng pagsasarili ay ang pag-aasawa, ang ikaapat na sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.
1. Walang Pagpipilian ang Isang Tao tungkol sa Pag-aasawa
Ang pag-aasawa ay isang napakahalagang pangyayari sa buhay ninuman; ito ay panahon na nagsisimulang tunay na akuin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga katungkulan, unti-unting nagsisimula na ganapin ang iba’t ibang uri ng misyon. May maraming ilusyon ang mga tao tungkol sa pag-aasawa bago nila ito maranasan, at lahat ng ilusyong ito ay magaganda. Inaakala ng mga kababaihan na ang kanilang kabiyak ay magiging si Prince Charming, at inaakala ng mga kalalakihan na sila’y magpapakasal kay Snow White. Ipinapakita ng mga pantasyang ito na ang bawat tao ay may partikular na mga kinakailangan para sa pag-aasawa, mga sarili nilang hinihingi at pamantayan. Bagaman sa masamang kapanahunang ito, palagiang binobomba ang mga tao ng baluktot na mga mensahe tungkol sa pag-aasawa, na lumilikha ng mas marami pang karagdagang kinakailangan at nagbibigay sa mga tao ng lahat ng uri ng pasanin at kakaibang mga saloobin, alam ng sinumang nakaranas na ng pag-aasawa na anuman ang pagkakaunawa ng isang tao dito, anuman ang saloobin niya tungkol dito, ang pag-aasawa ay hindi isang bagay na pinipili ng isang indibidwal.
Maraming tao ang nakakatagpo ng isang tao sa kanyang buhay, subalit walang sinuman ang nakakaalam kung sino ang mapapangasawa niya. Bagaman ang lahat ay may kani-kanilang sariling mga palagay at personal na pananaw tungkol sa paksa ng pag-aasawa, walang sinuman ang maaaring makahula kung sino sa bandang huli ang magiging kanilang tunay na kabiyak, at walang saysay ang sariling mga pagkaunawa ng isang tao. Matapos makatagpo ang isang taong gusto mo, maaari mong habulin ang taong iyon; subalit kung interesado ba o hindi ang taong iyon sa iyo, kung siya ba o hindi ang maaaring maging kapareha mo, hindi ikaw ang magpapasya. Ang nilalayon ng iyong pagsinta ay hindi nangangahulugan na siya ang taong iyong makakabahagi sa iyong buhay; samantala may isa na kailanman’y hindi mo inaasahang darating nang tahimik sa iyong buhay at magiging iyong kapareha, magiging pinakamahalagang elemento sa iyong kapalaran, ang iyong kabiyak, kung kanino nakabigkis nang mahigpit ang iyong kapalaran. Kung kaya, bagaman milyun-milyon ang pag-aasawa sa mundo, bawat isa ay iba: Gaano karaming mga pag-aasawa ang hindi kasiya-siya, gaano karami ang maligaya; gaano karami ang sumasaklaw sa Silangan at Kanluran, gaano karami sa Hilaga at Timog; gaano karami ang perpektong mga tambalan, gaano karami ang pantay na ranggo; gaano karami ang maligaya at nagkakasundo, gaano karami ang nasasaktan at nagdadalamhati; gaano karami ang kinaiinggitan ng iba, gaano karami ang hindi naiintindihang mabuti at hindi sinasang-ayunan; gaano karami ang puno ng kaligayahan, gaano karami ang lumuluha at sanhi ng kawalan ng pag-asa.… Sa hindi mabibilang na pag-aasawang ito, ibinubunyag ng mga tao ang katapatan at panghabambuhay na pangako sa pag-aasawa, o pagmamahal, pagkagiliw, at pagkadi-mapaghihiwalay, o pagtanggap at kawalan ng pag-unawa, o pagkakanulo dito, pati na ng pagkamuhi. Kung magdadala ba ang pag-aasawa mismo ng kaligayahan o sakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa ay itinatadhana ng Lumikha at hindi magbabago; dapat tuparin ito ng bawat isa. At ang indibidwal na kapalaran na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi nagbabago; matagal na itong itinadhana ng Lumikha.
2. Ang Pag-aasawa ay Isinilang sa mga Kapalaran ng Dalawang Magkapareha
Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Bunga ito ng kapalaran ng isang tao, isang mahalagang kawing sa kapalaran niya; hindi ito itinatatag sa pagkukusa o mga kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga kadahilanan, ngunit ganap na ipinapasya ng mga kapalaran ng dalawang panig, sa pamamagitan ng mga pagsasaayos at pagtatadhana ng Lumikha hinggil sa mga kapalaran ng magkapareha. Sa ibabaw nito, ang layunin ng pag-aasawa ay ipagpatuloy ang sangkatauhan, ngunit ang totoo, ang pag-aasawa ay walang iba kundi isang ritwal na pinagdadaanan ng isang tao sa proseso ng pagtupad sa sarili niyang misyon. Ang mga papel na ginagampanan ng mga tao sa pag-aasawa ay hindi lamang sa pag-aaruga sa susunod na henerasyon; ang mga ito ay iba’t ibang papel na inaako ng isang tao at mga misyon na dapat niyang tuparin sa proseso ng pagpapanatili sa isang pag-aasawa. Yamang nakakaimpluwensiya ang sariling kapanganakan sa pagbabago sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid ng isang tao, ang pag-aasawa niya ay hindi rin maiiwasang makaapekto sa kanila, at higit pa riyan, babaguhin sila sa iba’t ibang di-magkakatulad na paraan.
Kapag nagsimulang magsarili ang isang tao, sinisimulan niya ang kanyang sariling paglalakbay sa buhay, na umaakay sa kanya sa bawat hakbang patungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na kaugnay ng kanyang pag-aasawa; at kasabay nito, ang kaparehang bubuo sa pag-aasawang ito ay papalapit, sa bawat hakbang, tungo sa parehong mga tao, pangyayari at bagay. Sa ilalim ng dakilang kapangyarihan ng Lumikha, ang dalawang di-magkaanu-ano na nagsasalo sa magkaugnay na kalaparan ay unti-unting pumapasok sa pag-aasawa at himalang magiging isang pamilya, “dalawang balang na kumakapit sa parehong tali.” Kaya kapag pumasok ang isang tao sa pag-aasawa, ang paglalakbay niya sa buhay ay makakaimpluwensya at makakaantig sa kanyang kabiyak, at makakaimpluwensiya at makakaantig din ang paglalakbay ng kapareha niya sa buhay sa kanyang kapalaran sa buhay. Sa ibang salita, magkakaugnay ang kapalaran ng mga tao, at walang sinuman ang makakatupad ng misyon ng isang tao sa buhay o makakaganap sa kanyang papel nang walang kaugnayan sa iba. Malaki ang epekto ng sariling kapanganakan sa maraming ugnayan; sangkot din sa paglaki ang isang masalimuot na tanikala ng mga ugnayan; at gayon din, ang pag-aasawa ay di-maiiwasang iiral at mapapanatili sa isang malawak at masalimuot na mga koneksyon ng tao, sinasangkot ang bawat kaanib at nakakaimpluwensiya sa kapalaran ng bawat isang bahagi nito. Ang pag-aasawa ay hindi bunga ng mga pamilya ng kapwa miyembro, ang mga kalagayan na kinalakhan nila, ang kanilang mga anyo, ang kanilang mga edad, ang kanilang mga katangian, ang kanilang mga talento, o anumang iba pang mga kadahilanan; sa halip, ito ay nagmumula sa isang pinagsasaluhang misyon at isang magkaugnay na kapalaran. Ito ang pinagmumulan ng pag-aasawa, isang bunga ng kapalaran ng tao na pinagtugma at isinaayos ng Lumikha.