Muling Tinukso ni Satanas si Job (Naglitawan Ang Mahapdi na mga Pigsa sa Buong Katawan ni Job)
a. Ang mga Salitang Winika ng Diyos
(Job 2:3) At sinabi ni Jehova kay Satanas, napansin Mo ba ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na perpekto at matuwid na lalake, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan: at siya’y namamalagi sa kanyang katapatan, bagama’t pinakilos mo ako laban sa kanya, upang ilugmok siya nang walang kadahilanan.
(Job 2:6) At sinabi ni Jehova kay Satanas, Narito, nasa kamay mo siya; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.
b. Ang mga Salitang Winika ni Satanas
(Job 2:4-5) At sumagot si Satanas kay Jehova, at sinabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Nguni’t pagbuhatan mo ngayon ng iyong kamay, at galawin mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at itatakwil ka niya nang harapan.
c. Paano Hinaharap ni Job ang Pagsubok
(Job 2:9-10) Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, Namamalagi ka pa ba sa iyong katapatan? itakwil mo ang Diyos, at mamatay ka. Nguni’t sinabi niya sa kanya, nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa kanyang mga labi.
(Job 3:3) Mapawi sana ang kaarawan ng kapanganakan ko, at ang gabi kung kailan sinabi, may isang batang lalaking ipinaglihi.
Ang Pag-ibig ni Job sa Paraan ng Diyos ay Humihigit sa Lahat
Itinala ng Kasulatan ang mga salita sa pagitan ng Diyos at ni Satanas sa mga sumusunod: “At sinabi ni Jehova kay Satanas, napansin Mo ba ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na perpekto at matuwid na lalake, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan: at siya’y namamalagi sa kanyang katapatan, bagama’t pinakilos mo ako laban sa kanya, upang ilugmok siya nang walang kadahilanan” (Job 2:3). Sa ganitong palitan, inuulit ng Diyos ang parehong tanong kay Satanas. Ito ay isang tanong na nagpapakita sa atin ng positibong pagsusuri ng Diyos na Jehova sa ipinakita at isinabuhay ni Job sa unang pagsubok, at wala itong pinagkaiba sa pagsusuri ng Diyos kay Job bago pa man siya napasailalim sa tukso ni Satanas. Ibig sabihin, bago pa man dumating ang tukso sa kanya, perpekto na si Job sa mga mata ng Diyos, at dahil doon siya at ang kanyang pamilya ay pinangalagaan ng Diyos, at pinagpala siya; karapat-dapat siyang pagpalain sa mga mata ng Diyos. Pagkatapos ng panunukso, hindi nagkasala ang mga labi ni Job dahil nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak, ngunit patuloy niyang pinuri ang pangalan ni Jehova. Pinuri siya ng Diyos, at binigyan siya ng matataas na marka dahil sa kanyang tunay na asal. Sapagkat sa mga mata ni Job, hindi sapat ang kanyang mga anak o ang kanyang mga ari-arian upang itakwil niya ang Diyos. Sa madaling salita, ang lugar ng Diyos sa kanyang puso ay hindi maaaring palitan ng kanyang mga anak o anumang piraso ng ari-arian. Sa panahon ng unang tukso kay Job, ipinakita niya sa Diyos na walang kapantay ang kanyang pag-ibig para sa Kanya at ang kanyang pagmamahal sa paraan na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ay isang pagsubok lang na nagbigay kay Job ng karanasan na makatanggap ng gantimpala mula sa Diyos na Jehova at ang mawalan ng kanyang ari-arian at mga anak sa pamamagitan Niya.
Para kay Job, ito ay isang tunay na karanasan na naglinis sa kanyang kaluluwa, ito ay isang pagbibinyag ng buhay na tumupad sa kanyang pag-iral, at, higit pa, isa itong marangyang kapistahan na sumubok sa kanyang pagkamasunurin, at takot sa Diyos. Binago ng pagnunuksong ito ang estado ni Job mula sa pagiging isang mayaman na tao, siya ay naging isang taong walang pag-aari, at ipinaranas din sa kanya ang pagmamalupit ni Satanas sa sangkatauhan. Hindi naging dahilan ang kanyang paghihikahos upang kapootan si Satanas; sa halip, sa mga mapang-alipustang gawain ni Satanas, nakita niya ang kapangitan at kasuklam-suklam na kalagayan ni Satanas, pati na rin ang poot at panghihimagsik ni Satanas sa Diyos, at mas hinikayat siya nito na habambuhay na humawak sa paraan na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Isinumpa niya na hindi niya kailanman tatalikdan ang Diyos at ang daan ng Diyos dahil sa mga panlabas na kadahilanan gaya ng ari-arian, mga anak o mga kamag-anak, at hindi siya kailanman magiging alipin ni Satanas, ng ari-arian o ng sinumang tao; bukod sa Diyos na Jehova, wala nang ibang maaaring maging kanyang Panginoon, o kanyang Diyos. Iyon ang mga hangarin ni Job. Sa kabilang dako ng tukso, nakakuha si Job ng isang bagay: Nagkamit siya ng malaking kayamanan sa gitna ng mga pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos.
Sa kanyang buhay sa mga nakaraang dekada, pinagmasdan ni Job ang mga gawain ni Jehova at nakamit ang mga biyaya ng Diyos na Jehova para sa kanya. Mga biyaya ang mga ito na nagdulot sa kanya ng pakiramdam ng pagkabalisa at pagkakautang, dahil naniwala siya na wala pa siyang ginagawa para sa Diyos, ngunit pinamanahan na siya ng maraming biyaya at nagtamasa na ng napakaraming pagpapala. Para sa kadahilanang ito, madalas siyang nanalangin sa kanyang puso, umaasa siya na makakabayad siya sa Diyos, umaasa na mabigyan siya ng pagkakataon na magpatotoo sa mga gawa at kadakilaan ng Diyos, at umaasa na susubukin ng Diyos ang kanyang pagkamasunurin, at, higit pa rito, mapadalisay ang kanyang pananampalataya, hanggang sang-ayunan ng Diyos ang kanyang pagkamasunurin at pananampalataya. At nang dumating ang pagsubok kay Job, naniwala siya na narinig ng Diyos ang kanyang mga panalangin. Itinatangi ni Job ang pagkakataong ito higit pa sa anumang bagay, at dahil dito hindi siya nangahas na balewalain ito, dahil ang kanyang pinakadakilang hangarin sa buhay ay maaaring maganap. Nangangahulugan ang pagdating ng pagkakataong ito na ang kanyang pagsunod at takot sa Diyos ay maaaring malagay sa pagsubok, at maaaring mapadalisay. Bukod pa rito, nangangahulugan ito na may pagkakataon na si Job na makuha ang pagsang-ayon ng Diyos, at sa gayon ay mas mapapalapit siya sa Diyos. Sa panahon ng pagsubok, ang gayong pananampalataya at paghahangad ang lalong nagpaperpekto sa kanya, at para mas maunawaan ang kalooban ng Diyos. Lalong nagpasalamat rin si Job sa mga biyaya at grasya ng Diyos, nagbuhos siya ng papuri sa mga gawa ng Diyos sa kanyang puso, at siya ay mas natakot at mas gumalang sa Diyos, at humangad pa ng mas maraming kagandahan, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos. Sa oras na ito, kahit na si Job ay isa pa ring tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama sa paningin ng Diyos, dahil sa kanyang mga karanasan, lalong lumago ang pananampalataya at kaalaman ni Job: Nadagdagan ang kanyang pananampalataya, nagkaroon ng pundasyon ang kanyang pagkamasunurin, at lalong lumalim ang kanyang takot sa Diyos. Kahit binago ng pagsubok na ito ang espiritu at buhay ni Job, hindi nito napasiya si Job, at hindi rin nito pinabagal ang kanyang pag-unlad. Kasabay ng kanyang pagtatantiya sa napakinabangan niya mula sa pagsubok na ito, at habang iniisip ang kanyang mga pagkukulang, tahimik siyang nanalangin, naghihintay sa pagdating ng susunod na pagsubok sa kanya, sapagkat naghahangad siya na maitaas ang kanyang pananampalataya, pagkamasunurin, at takot sa Diyos sa susunod na pagsubok ng Diyos.
Pinagmamasdan ng Diyos ang pinakamalalim na saloobin ng tao at lahat ng sinasabi at ginagawa ng tao. Nakarating sa pandinig ng Diyos na Jehova ang mga saloobin ni Job, at dininig ng Diyos ang kanyang mga panalangin, at dumating ang sumunod na pagsubok ng Diyos gaya ng inaasahan.
Sa Gitna ng Sukdulang Paghihirap, Tunay na Napagtanto ni Job ang Pangangalaga ng Diyos sa Sangkatauhan
Kasunod ng mga katanungan ng Diyos na Jehova kay Satanas, palihim na masaya si Satanas. Dahil alam ni Satanas na pahihintulutan uli siyang lusubin ang tao na perpekto sa mga mata ng Diyos—na para kay Satanas ay isang bihirang pagkakataon. Nais ni Satanas na gamitin ang pagkakataong ito upang ganap na pahinain ang paniniwala ni Job, upang mawala ang kanyang pananampalataya sa Diyos at sa gayon ay hindi na siya matakot sa Diyos o magpapuri sa pangalan ni Jehova. Magbibigay ito ng pagkakataon kay Satanas: Anuman ang lugar o oras, maaari nitong gawin si Job na isang laruang nauutusan niya. Itinago ni Satanas ang kanyang masasamang balak nang walang anumang bakas, ngunit hindi nito maitago ang kanyang masamang kalikasan. Ang katotohanang ito ay ipinapahiwatig sa sagot niya sa mga salita ng Diyos na Jehova, gaya ng nakatala sa banal na kasulatan: “At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Nguni’t pagbuhatan mo ngayon ng iyong kamay, at galawin mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at itatakwil ka niya nang harapan” (Job 2:4-5). Imposibleng hindi makakuha ng mahalagang kaalaman at pakiramdam tungkol sa malisyosong katangian ni Satanas sa palitang ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Pagkarinig sa mga kamaliang ito ni Satanas, walang dudang magkakaroon ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan at namumuhi sa kasamaan ng mas malaking galit sa kawalang-dangal at kabastusan ni Satanas, makakaramdam ng galit at pandidiri sa mga pagkakamali ni Satanas, at, gayundin, ay mag-aalok ng malalalim na dasal at masugid na hiling para kay Job, nananalangin na makamtan ng matuwid na taong ito ang pagiging perpekto, humihiling na ang taong ito na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ay habangbuhay na mapagtagumpayan ang mga tukso ni Satanas, at mabuhay sa liwanag, at mabuhay sa gitna ng patnubay at mga biyaya ng Diyos; gayundin, hinihiling nila na habambuhay na umudyok at humimok ang pagkamatuwid ni Job sa lahat ng tumatahak sa daan na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kahit makikita ang malisyosong layunin ni Satanas sa pagpapahayag na ito, madaliang pumayag ang Diyos sa “kahilingan” ni Satanas—ngunit Siya rin ay may isang kundisyon: “nasa kamay mo siya; ingatan mo lamang ang kanyang buhay” (Job 2:6). Dahil, sa pagkakataong ito, hiningi ni Satanas na maiunat niya ang kanyang kamay upang makapinsala sa laman at mga buto ni Job, sinabi ng Diyos, “ingatan mo lamang ang kanyang buhay.” Ang kahulugan ng mga salitang ito ay ibinigay Niya ang laman ni Job kay Satanas, ngunit pinanatili Niya ang kanyang buhay. Hindi maaaring kunin ni Satanas ang buhay ni Job, ngunit liban dito maaaring gumamit si Satanas ng anumang pamamaraan laban kay Job.
Pagkatapos makuha ang pahintulot ng Diyos, mabilisang pumunta si Satanas kay Job at iniunat ang kanyang kamay para dulutan ng sakit ang kanyang balat, at nagkaroon ng mga namamagang bukol sa buong katawan niya, at nakadama si Job ng sakit sa kanyang balat. Pinuri ni Job ang kamanghaan at kabanalan ng Diyos na Jehova, na mas lalong nagpagarapal kay Satanas sa kanyang kapangahasan. Dahil nakadama ito ng kaligayahan sa pagpinsala sa tao, iniunat ni Satanas ang kanyang kamay at kinalaykay ang laman ni Job, na naging dahilan upang magnana ang kanyang mga namamagang bukol. Agad na naramdaman ni Job ang walang kapantay na sakit at paghihirap sa kanyang laman, at wala siyang magawa kundi ang hilutin ang sarili niya mula ulo hanggang paa gamit ang kanyang mga kamay, na para bang mapapawi nito ang dagok sa kanyang espiritu na nanggaling sa sakit ng laman na ito. Napagtanto niya na nasa tabi niya ang Diyos na nagmamasid sa kanya, at ginawa niya ang kanyang makakaya upang magpakatatag. Siya ay minsan pang lumuhod sa lupa, at nagsabi: Tumitingin Ka sa loob ng puso ng tao, napagmamasdan Mo ang kanyang paghihirap; bakit Ka nababahala sa kahinaan niya? Purihin ang pangalan ng Diyos na Jehova. Nakita ni Satanas ang matinding sakit na nararamdaman ni Job, pero hindi nito nakitang itinakwil ni Job ang pangalan ng Diyos na Jehova. Kaya nagmamadali nitong iniunat ang kanyang kamay upang pahirapan ang mga buto ni Job, desperado na pilasin siya sa sobrang galit. Kaagad na nadama ni Job ang walang kapantay na paghihirap; na para bang pinunit ang kanyang laman mula sa kanyang mga buto, at para bang unti-unting dinudurog ang kanyang mga buto. Ang pagdurusang ito ang dahilan kung bakit naisip niya na mas mabuti pa ang mamatay.… Umabot na sa hangganan ang kanyang kakayahang magtiis.… Nais niyang sumigaw, nais niyang pilasin ang balat sa kanyang katawan upang bawasan ang sakit—ngunit pinigil niya ang kanyang mga pagsigaw, at hindi niya pinilas ang kanyang balat sa kanyang katawan, sapagkat hindi niya nais na makita ni Satanas ang kanyang kahinaan. At muli siyang lumuhod, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya nadama ang presensya ng Diyos na Jehova. Alam niya na madalas Siyang nasa harapan niya, at sa kanyang likuran, at sa magkabilang panig niya. Ngunit sa panahon ng kanyang paghihirap, ang Diyos ay hindi kailanman tumingin; tinakpan Niya ang Kanyang mukha at nagtago, dahil ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa tao ay hindi upang magdala ng paghihirap sa tao. Sa oras na ito, si Job ay tumatangis, at ginagawa ang kanyang makakaya upang pagtiisan itong pisikal na sakit, gayunpaman hindi na niya mapigilan ang sarili niya na magpasalamat sa Diyos: Ang tao ay bumabagsak sa unang dagok, siya ay mahina at walang kapangyarihan, siya ay musmos at mangmang—bakit Mo nanaisin na maging mapag-alaga at mapagmahal sa kanya? Hinampas Mo ako, gayunpaman nasasaktan Kang gawin ito. Anong mayroon ang tao na karapat-dapat sa Iyong pag-aalaga at pag-aalala? Umabot ang mga panalangin ni Job sa mga tainga ng Diyos, at ang Diyos ay tahimik, nanonood lamang nang walang imik…. Matapos walang mangyari sa kabila ng paggamit ng lahat ng pakana na nasa libro, tahimik na umalis si Satanas, ngunit hindi dito natapos ang mga pagsubok ng Diyos kay Job. Dahil ang kapangyarihan ng Diyos na nahayag kay Job ay hindi naisapubliko, ang kuwento ni Job ay hindi nagtatapos sa pag-atras ni Satanas. Sa pagpasok ng ibang mga tauhan, marami pang kamangha-manghang eksena ang darating.
Isa pang Paghahayag ni Job ng Takot sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan ay ang Kanyang Pagpupuri sa Pangalan ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na Jehova. Ang kanyang asawa ang unang lumabas at gumanap sa katauhan ni Satanas na maaaring makita sa paglusob kay Job. Inilarawan ito sa orihinal na sulat bilang: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, Namamalagi ka pa ba sa iyong katapatan? itakwil mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Ang mga salitang ito ang sinabi ni Satanas na nagbabalat-kayong tao. Ang mga ito ay mga paglusob, bintang, pang-akit, tukso, at paninirang-puri. Matapos mabigong saktan ang laman ni Job, tuluyang nilusob ni Satanas ang katapatan ni Job, gusto niyang gamitin ito para isuko ni Job ang kanyang katapatan, talikuran ang Diyos, at tumigil sa pamumuhay. Gusto ring gamitin ni Satanas ang mga salitang ito para tuksuhin si Job: Kung itatakwil ni Job ang pangalan ni Jehova, hindi niya kailangang pagtiisan ang ganitong paghihirap, maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa paghihirap ng laman. Noong maharap sa payo ng kanyang asawa, pinagsabihan siya ni Job, “Nagsasalita ka na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Matagal nang alam ni Job ang mga salitang ito, ngunit sa pagkakataong ito napatunayan ang katotohanan ng kaalaman ni Job sa mga ito.
Noong pinayuhan siya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay, ang ibig niyang sabihin ay: Ganito ka tratuhin ng Diyos mo, bakit hindi mo Siya isumpa? Paano mo pa nagagawang mabuhay? Hindi patas sa iyo ang iyong Diyos, ngunit sinasabi mo pa rin na purihin ang pangalan ng Diyos na Jehova. Paano Niya nagagawang magdulot ng sakuna sa iyo samantalang pinupuri mo ang Kanyang pangalan? Magmadali ka at talikuran mo ang pangalan ng Diyos, at huwag ka nang sumunod sa Kanya. Sa ganitong paraan matatapos ang mga problema mo. Sa sandaling ito, nakita ang pagpapatotoo na ninais na makita ng Diyos kay Job. Walang karaniwang tao ang maaaring magpatotoo nang ganito, at hindi rin natin nababasa ito sa anumang mga kwento sa Biblia—ngunit nakita na ng Diyos ang mga ito bago pa man sinabi ni Job ang mga salitang ito. Gusto lamang gamitin ng Diyos ang pagkakataong ito upang pahintulutan si Job na patunayan sa lahat na tama ang Diyos. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi lamang hindi isinuko ni Job ang kanyang katapatan o tumalikod sa Diyos, sinabi rin niya sa kanyang asawa: “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang resultang hinangad na makita ng Diyos; ang mga salitang ito rin ang diwa ng testimonya ni Job. Dito, napatunayan ang pagiging perpekto, pagkamatuwid, pagkatakot sa Diyos, at pag-iwas ni Job sa kasamaan. Ang kahalagahan ni Job ay nakasalalay sa kung paano, nang tuksuhin siya, at kahit noong puno ang kanyang buong katawan ng namamagang bukol, noong pinagtiisan niya ang sukdulang paghihirap, at noong pinayuhan siya ng kanyang asawa at kamag-anak, nasabi pa rin niya ang mga ganoong salita. Sa madaling salita, naniniwala siya sa kanyang puso na, kahit ano pang tukso, o gaano kabigat ang pagtitiis o paghihirap, kahit na dumating ang kamatayan sa kanya, hindi siya tatalikod sa Diyos o tatanggi sa daan na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa gayon, makikita mo na hawak ng Diyos ang pinakamahalagang lugar sa kanyang puso, at Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Dahil dito, mababasa natin ang mga paglalarawan sa kanya sa mga Banal na Kasulatan bilang: Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa kanyang mga labi. Hindi lamang siya hindi nagkasala sa kanyang mga labi, ngunit sa kanyang puso hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Hindi siya nagsabi ng masasakit na salita tungkol sa Diyos, at hindi rin siya nagkasala laban sa Diyos. Hindi lamang basta pinagpala ng kanyang bibig ang pangalan ng Diyos, ngunit sa kanyang puso ay pinuri niya ang pangalan ng Diyos; ang kanyang bibig at puso ay iisa. Ito ang tunay na Job na nakita ng Diyos, at ito ang tunay na dahilan kung bakit itinatangi ng Diyos si Job.
mula sa Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao