Sinasabi ng Kasulatan, “At sinabi ng Dios, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. At nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa’t may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kanikaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti” (Gen 1:20-21). Malinaw na sinasabi sa atin ng Kasulatan na, sa araw na ito, ginawa ng Diyos ang mga nilalang sa mga katubigan, at ang mga ibon ng himpapawid, na ang ibig sabihin ay Kanyang ginawa ang iba’t ibang isda at ibon, at pinagsama-sama ang mga iyon ayon sa uri. Sa ganitong paraan, pinasagana ng paglikha ng Diyos ang lupa, ang mga papawirin, at mga katubigan …
Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, isang sariwang bagong buhay, na ang bawat isa ay may ibang anyo, ang agad na nabuhay sa kalagitnaan ng mga salita ng Lumikha. Dumating sila sa mundo na nakikipaggitgitan para sa tatayuan, nagtatalunan, nagkakatuwaan sa galak…. Naglanguyan sa mga katubigan ang mga isda na may iba’t ibang hugis at sukat, naglabasan sa mga buhanginan ang lahat ng klase ng kabibe, ang may kaliskis, may talukab, at walang-gulugod na mga nilalang ay agarang naglakihan na may mga iba’t ibang anyo, kahit pa malaki o maliit, mahaba o maikli. Gayundin nagsimulang lumaki nang mabilis ang mga iba’t ibang klase ng halamang-dagat, sumasabay sa galaw ng iba’t ibang mga nabubuhay sa tubig, umaalun-alon, hinihimok ang matining na mga katubigan, na para bang sinasabi sa kanila: Igalaw mo ang paa mo! Isama mo ang iyong mga kaibigan! Dahil kailanman hindi ka na muling mag-iisa! Simula sa sandali na ang mga iba’t ibang buhay na nilalang na ginawa ng Diyos ay nagsilitaw sa katubigan, ang bawat sariwang bagong buhay ay nagpasigla sa mga katubigan na naging tahimik nang napakatagal, at naghatid ng isang bagong panahon…. Simula sa puntong iyon, humimlay sila sa piling ng bawat isa, at sinamahan ang bawat isa, at hindi inaring usapin ang pagkakaiba ng bawat isa. Umiral ang katubigan para sa mga nilalang na nasa loob nito, pinalulusog ang bawat buhay na nanirahan sa loob ng yakap nito, at ang bawat buhay ay umiral alang-alang sa katubigan dahil sa pagpapakain nito. Bawat isa’y nagsalalay ng buhay sa isa’t isa, at kasabay niyon, ang bawat isa, sa parehong paraan, ay naging patotoo sa pagiging mahimala at kadakilaan ng paglikha ng Lumikha, at sa di-mapapantayang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …
Dahil hindi na tahimik ang karagatan, gayundin nagsimulang punuin ng buhay ang mga papawirin. Isa-isa, ang mga ibon, malaki at maliit, ay nagliparan sa himpapawid mula sa lupa. Di-tulad ng mga nilalang sa karagatan, may mga pakpak sila at balahibo na tumatakip sa kanilang mga payat at masiglang mga anyo. Ipinayagpag nila ang kanilang mga pakpak, mapagmalaki at mayabang na ipinakikita ang kanilang napakagandang balabal na balahibo at ang kanilang natatanging mga tungkulin at kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha. Malaya silang pumailanglang, at bihasang nagpabalik-balik sa pagitan ng langit at lupa, patawid sa mga damuhan at mga kagubatan…. Sila ang mga ginigiliw ng hangin, sila ang mga ginigiliw ng lahat ng bagay. Sila ang di-maglalaon ay magiging tali sa pagitan ng langit at lupa, at magdadala ng mga mensahe sa lahat ng bagay…. Kumanta sila, masaya silang sumirok paikut-ikot, nagdulot sila ng saya, halakhak, at kasiglahan dito sa minsang walang-buhay na mundo…. Gamit nila ang kanilang malinaw, mahimig na pagkanta, gamit ang mga salita sa kanilang mga puso upang purihin ang Lumikha para sa buhay na ipinagkaloob sa kanila. Masaya silang sumayaw para ipakita ang pagkaperpekto at pagiging mahimala ng paglikha ng Lumikha, at ilalaan ang kanilang buong buhay sa pagpapatotoo sa awtoridad ng Lumikha sa pamamagitan ng natatanging buhay na Kanyang ipinagkaloob sa kanila …
Kung sila man ay nasa tubig, o sa mga papawirin, sa pamamagitan ng utos ng Lumikha, itong lubhang karamihan ng mga bagay na may buhay ay umiiral sa iba’t ibang kayarian ng buhay, at sa utos ng Lumikha, nagsama-sama sila ayon sa kani-kanyang uri—at ang batas na ito, ang patakarang ito, ay di-kayang baguhin ng anumang mga nilalang. Hindi sila kailanman nangahas na lumampas sa mga hangganang itinalaga para sa kanila ng Lumikha, ni kaya nila ito. Tulad ng pagtatalaga ng Lumikha, namuhay sila at nagpakarami, at mahigpit na sumunod sa takbo ng buhay at mga batas na itinalaga para sa kanila ng Lumikha, at sadya silang sumunod sa Kanyang mga di-binibigkas na mga utos at sa mga kautusan at tuntunin ng kalangitan na Kanyang ibinigay sa kanila, magpahanggang sa ngayon. Nakipag-usap sila sa Lumikha sa kanilang sariling natatanging paraan, at natutuhang pahalagahan ang kahulugan ng Lumikha, at sumunod sa Kanyang mga utos. Walang sinuman ang kailanman ay lumabag sa awtoridad ng Lumikha, at ang Kanyang dakilang kapangyarihan at utos sa kanila ay iniunat sa loob ng Kanyang mga kaisipan; walang mga salitang inilabas, nguni’t ang awtoridad na natatangi sa Lumikha ang nagpigil sa lahat ng bagay sa katahimikan na di nagtaglay ng katungkulan ng wika, at naiba mula sa sangkatauhan. Ang pag-uunat ng Kanyang awtoridad sa natatanging paraang ito ay pumilit sa tao na magtamo ng bagong pagkakilala, at makagawa ng bagong pakahulugan, sa natatanging awtoridad ng Lumikha. Dito, kailangan Kong sabihin sa inyo na dito sa bagong araw, ipinakitang muli ng pag-uunat ng awtoridad ng Lumikha ang pagiging bukod-tangi ng Lumikha.
Susunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito ng kasulatan: “nakita ng Dios na mabuti.” Ano sa tingin ninyo ang ibig nitong sabihin? Ang mga damdamin ng Diyos ay nakapaloob sa mga salitang ito. Pinanood ng Diyos na mabuhay ang lahat ng bagay na Kanyang nalikha na at tumatatag dahil sa Kanyang mga salita, at unti-unting nagsimulang magbago. Sa sandaling ito, nasiyahan ba ang Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at ng iba’t ibang gawa na Kanyang nakamit? Ang sagot ay yaong “nakita ng Dios na mabuti.” Ano ang nakikita ninyo rito? Ano ang tinutukoy ng “nakita ng Dios na mabuti”? Ano ang sinisimbolo nito? Ibig sabihin nito, may kapangyarihan at karunungan ang Diyos para tuparin ang Kanyang binalak at iniatas, para tuparin ang mga mithiing Kanyang inilatag na tutuparin. Nang nakumpleto na ng Diyos ang bawat gawain, nakaramdam ba Siya ng pagsisisi? Ang sagot pa rin ay “nakita ng Dios na mabuti.” Sa madaling salita, hindi lamang sa hindi Siya nagsisi, bagkus ay nasiyahan. Ano ba ang ibig sabihin ng wala Siyang pagsisisi? Ang ibig sabihin nito ay perpekto ang plano ng Diyos, na perpekto ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang awtoridad na ang naturang pagkaperpekto ay matutupad. Kapag ang tao ay gumaganap ng isang gawain, makikita ba niya, tulad ng Diyos, na ito ay maganda? Ang lahat ng bagay ba na magagawa ng tao ay natutupad nang mayroong pagkaperpekto? Makukumpleto ba ng tao ang isang bagay nang minsanan at hanggang kawalang-hanggan? Tulad ng sinasabi ng tao, “walang perpekto, mas gumanda lamang,” walang bagay na ginagawa ng tao na makakaabot sa pagkaperpekto. Nang nakita ng Diyos na ang lahat na Kanyang nagawa na at nakamtan ay mabuti, lahat ng ginawa ng Diyos ay itinalaga ng Kanyang mga salita, na ang ibig sabihin, noong “nakita ng Dios na mabuti,” ang lahat na Kanyang nagawa ay naging permanente na ang anyo, pinagsama-sama ayon sa uri, at binigyan ng permanenteng posisyon, layunin, at tungkulin, nang minsanan hanggang sa kawalang-hanggan. Bukod dito, ang kanilang papel sa gitna ng lahat ng bagay, at ang paglalakbay na dapat nilang balikatin sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay, ay naitalaga na ng Diyos, at di mababago. Ito ang batas ng kalangitan na ibinigay ng Lumikha sa lahat ng bagay.
“Nakita ng Dios na mabuti,” itong mga simple, di-gaanong pinahahalagahang mga salita, na kadalasang binabalewala, ay ang mga salita ng batas ng kalangitan at alituntunin ng kalangitang ibinigay sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang mga iyon ay isa pang pagsasakatawan ng awtoridad ng Lumikha, isa na mas praktikal, at mas malalim. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, hindi lamang natamo ng Lumikha kung ano ang itinakda Niya na matamo, at nakamtan ang lahat ng itinakda Niyang makamtan, kundi mapipigilan din ng Kanyang mga kamay ang lahat ng Kanyang nalikha na, at napapagharian ang lahat ng bagay na Kanyang nagawa na sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at, dagdag pa rito, ang lahat ay sistematiko at palagian. Ang lahat ng bagay din ay nabuhay at namatay sa pamamagitan ng Kanyang salita at, bukod diyan, umiral sila sa gitna ng batas na Kanyang naitalaga na sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, at walang di saklaw! Nagsimula agad ang batas na ito sa mismong sandali na “nakita ng Dios na mabuti,” at ito’y iiral, magpapatuloy, at gagana para sa kapakanan ng planong pamamahala ng Diyos hanggang sa araw na ipinawawalang-bisa ito ng Lumikha! Ang natatanging awtoridad ng Lumikha ay ipinakita hindi lamang sa Kanyang kakayahang likhain ang lahat ng bagay at utusan ang lahat ng bagay na mabuhay, kundi sa kakayahan din Niya na pamahalaan at hawakan ang dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ipagkaloob ang buhay at kasiglahan sa lahat ng bagay, at, bukod pa rito, sa Kanyang kakayahang magsanhi, nang minsanan at magpasawalang-hanggan, sa lahat ng bagay na gagawin Niya sa Kanyang plano na lumitaw at umiral sa mundong ginawa Niya sa perpektong hugis, at perpektong kayarian ng buhay, at isang perpektong gagampanan. Gayundin naipakita ito sa paraan kung saan ang mga kaisipan ng Lumikha ay hindi sumailalim sa anumang mga limitasyon, na di-limitado ng oras, puwang, o heograpiya. Tulad ng Kanyang awtoridad, ang natatanging pagkakakilanlan ng Lumikha ay mananatiling di-nagbabago mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awtoridad ay laging magiging pagpapakita at sagisag ng Kanyang natatanging pagkakakilanlan, at ang Kanyang awtoridad ay magpakailanmang iiral kaagapay ng Kanyang pagkakakilanlan!