Ni Xiaoxue, Germany
Maganda ang pag-ibig, ngunit masakit kapag nawala iyon. Naniniwala akong marami nang tao ang nakaranas nito. Minsan na rin akong nasaktan ng pag-ibig, ngunit ang kaiba sa akin ay nagkamit ako ng isang bagay na mas mahalaga pa sa pamamagitan ng pagkawala niyon.
Naging nobya ko si Xiaodie. Maamo ang bilugan niyang mukha, at nakakatuwa ang paniningkit ng kanyang mga mata kapag ngumiti siya. Magkasama kaming kumakain, magkasamang namimili, magkasamang tumatawa, magkasamang naglalaro, at mabilis na lumipas ang dalawang taon. Isang araw, may nakaaway akong katrabaho, at sinugod niya ako ng kutsilyo. Hinimok siyang tumigil ng mga kasamahan ko bago pa man lumala ang sitwasyon, at pinabalik ako sa dormitoryo para magpahinga sa araw na iyon. Hindi nagtagal, nagkukumahog na pumasok si Xiaodie at humihingal na huminto sa harapan ko, at nang makita niyang hindi ako nasaktan, nagpakawala siya ng mahabang buntong-hininga habang “nagrereklamo” siya na hindi ko maalagaan ang sarili ko. Naramdaman ko na isang masaya at nakakakilig na sandali iyon. Nang mga sandaling iyon, sinabi sa’kin ng aking puso na siya ang taong gusto kong makasama habambuhay, at pakakasalan ko siya …
Isang araw, tahimik na sinabi sa akin ni Xiaodie na buntis siya. Biglaang dumating ang masayang balita na iyon, at maliban sa pagkagulat ko, nagsimulang sumibol sa aking puso ang pakiramdam ng responsibilidad. Sinabi ko agad sa mga magulang ko ang balita sa unang pagkakataong nakita ko. Masayang masaya sila, at pumayag na dalhin ko si Xiaodie sa bahay upang mapaghandaan namin ang kasal. Kinakailangan sa pag-aayos ng kasal ang pakikipagtulungan ng mga magulang ko at mga magulang niya, ngunit hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon si Xiaodie na sabihin ang balita sa mga magulang niya. Kaya nagkasundo kami na hintayin siyang sabihin sa kanyang mga magulang bago namin planuhin ang mga susunod na hakbang.
Matapos naming makabalik sa apartment, tinawagan ni Xiaodie ang kanyang mga magulang at sinabi sa kanila ang lahat. Ngunit sa kabilang linya, hindi natuwa ang kanyang ina at matigas ang ulo. Maraming beses niyang ipinagpilitan na umuwi muna si Xiaodie bago nila pag-usapan ang iba pa. Kahit na nakipagtalo si Xiaodie na dalawa kaming makikipagkita sa kanyang mga magulang, mapilit ang kanyang ina na mag-isang umuwi si Xiaodie. Halos maiyak si Xiaodie sa sama ng loob, at hindi ko na sinubukang dumagdag pa sa kanyang kalungkutan, o gustuhin mang maging dahilan upang mag-away silang mag-ina, kung kaya isinuhestiyon ko na mag-isa na lamang siyang umuwi at himukin ang kanyang ina.
Malapit na ang Pista ng Tagsibol. Sa malamig na panahon, inihatid ko si Xiaodie sa bus na maghahatid sa kanya pauwi. Pagkatapos niyon, araw-araw kaming nagtatawagan. Sinabi ko sa kanya ang detalye ng bawat araw ko, at kasabay niyon, hinihintay ko ang kanyang pagbabalik. Ngunit makalipas ang kalahating buwan, nang tumawag akong muli sa kanya upang tanungin kung kailan siya babalik, sinabi niya lang sa akin na pinakiusapan siya ng kanyang mga magulang na doon na lamang ipagdiwang ang Pista ng Tagsibol bago siya umuwi.
Ngunit matapos ang Pista ng Tagsibol, hindi pa rin siya bumabalik. Isang araw, pagkatapos ng tanghalian, tinawagan ko ang numero ni Xiaodie gaya ng nakagawian ko, at nang sinabi kong gusto ko siyang puntahan, kinakabahan niyang sinabi, “Xue, may kailangan akong sabihin sa iyo. Ayoko nang tumawag ka pa sa akin, at ayokong bisitahin mo ako.” Agad nanlaki ang ulo ko sa mga salitang iyon. Nauutal na sinabi kong, “Hindi ko maintindihan. Anong ibig mong sabihin?” Matagal na natahimik ang linya, at pagkatapos ay bumuntong-hininga siya at sinabing, “Hindi ko alam kung paano sasabihin sa iyo. Hindi tayo gusto ng aking ina para sa isa’t isa. Kailan lang, isinama niya ako upang ipalaglag ang bata. Isa pa, ipinakilala ng kamag-anak ko ang isang lalaki na mapera at inayos ang date namin. Nagkakilala na kami at nagkasundo na dapat kaming magsama. Mabuti kang lalaki, pero hindi tayo nababagay. Ipagpapasalamat ko kung hindi mo na ako tatawagan pang muli. Iba ang iisipin ng nobyo ko kapag narinig niya ang tungkol doon, at ayokong makagulo ang relasyon ko sa’yo sa damdamin at buhay ko kasama siya.” Bumigay ako nang marinig ko ang mga sinabing iyon ni Xiaodie. Hindi ko alam kung paano ako nakabalik sa aking silid. Umaagos ang mga luha sa aking mukha habang nakatingin ako sa larawan sa aking telepono ng aking nobya na minahal ko ng wagas. Dumagsa ang masaya naming nakaraan sa aking isip. Lahat ng mga sumpaan at pangako na ibinigay namin sa isa’t isa ay tila naglaho na parang bula. Hindi ko mapigilang tanungin ang sarili ko: Paanong nasira ng isang lalaking mapera na ipinakilala lang ng mga kamag-anak ang isang tatlong taong relasyon? Kalaunan, nalaman kong nag-iisang anak ang nobyo ni Xiaodie, na may bahay at kotse ang pamilya niya, at na mayaman sila. Ang pag-ibig ko pala ay mababa ang halaga kung ikukumpara sa mga temptasyon ng pera at mga materyal na bagay.
Hindi ko kinaya ang dagok at sakit ng pagkawala ng realasyon namin. Umalis ako sa trabaho at ginugol ang mga araw ko sa paglalaro, paninigarilyo, pagbabasa ng mga nobela, at paghahanap ng iba pang paraan para gawing manhid ang sarili ko. Para makalimutan ang lahat, madalas akong naglalasing, ngunit paggising ko, kailangan ko pa ring harapin ang katotohanan. Sa gitna ng aking sakit, sa telepono ko, computer, at sa Internet, nakita ko ang iba’t ibang kuwento ng mga tao na nakiapid, nakipagsiping sa hindi kilala, nakipaghiwalay at dinemanda ang dati nilang mga kapareha, mayroon mga kabit, at iba pang uri ng panloloko sa relasyon. Sa bawat pagkakataon, isang bahagi muli ng aking paniniwala sa buhay ang nawawala. Bakit napakaraming tao ang naglalaro sa damdamin ng iba? Pakiramdam ko ay wala na talagang tapat na pag-ibig sa mundo, at na kahit pa ang pinaka-nakakainggit na pag-ibig ay hindi kakayanin ang tunay na pagsubok. Dahan-dahan, nawalan ako ng pag-asa at pananalig sa aking buhay at hinaharap.
Nang mga panahong naliligaw ako at nawalan na ng pag-asa sa buhay, sinabi sa akin ng aking ina ang tungkol sa ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Binasa ko ang mga salita ng Diyos, “Ang Makapangyarihan sa lahat ay may awa sa mga taong ito na malalim ang pagdurusa. Ganoon din, Siya ay sawang-sawa na sa mga tao na walang kamalayan, dahil kailangan pa Niyang maghintay ng napakahabang panahon para sa sagot ng mga tao. Hinahangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu. Nais ka Niyang dalhan ng pagkain at tubig at gisingin ka, upang hindi ka na uhaw, hindi na gutom. Kapag ikaw ay nanghihina at kapag ikaw ay nagsimula nang maramdaman ang kapanglawan ng mundong ito, huwag nang maguluhan, huwag kang umiyak. Ang Makapangyarihang Diyos, ang Tagabantay, ang tatanggap sa iyong pagdating anumang oras. Nagbabantay Siya sa iyong tabi, naghihintay para sa iyong pagbabalik. Siya ay naghihintay para sa araw ng biglaang pagbabalik ng iyong gunita: ang pagkakaroon ng kamalayan ng katunayan na ikaw ay nagmula sa Diyos, kahit paano at kahit saan ay minsang nawala, bumabagsak na walang malay sa tabing daan, at pagkatapos, walang kaalamang nagkaroon ng isang ‘ma.’ Lalo mo pang naunawaan na ang Makapangyarihan sa lahat ay nagmamasid doon, hinihintay pa rin ang iyong pagbabalik noon pa man.” Pinayapa ng mga salita ng Diyos ang sugatan kong puso na tila mainit na agos. Naalala ko kung paanong, sa mga araw na ipinagluluksa ko ang nawalang relasyon ko, nasira ang aking loob at naghirap. Nakita ko na walang tunay o tapat na pag-ibig sa mga tao, at na makasarili at mapanlinlang ang sangkatauhan, na naging dahilan upang mawalan ako ng pag-asa sa buhay at hinaharap. Ngunit nang makita ang mga salita ng Diyos ng araw na iyon ay napagtanto ko na sa mundong ito, tahimik na naghihintay sa pagbabalik ko ang Diyos, at na umaasa Siyang malapit na akong bumalik sa Kanya. Pakiramdam ko ay isa akong lagalag na bata na sa wakas ay bumalik sa mga bisig ng kanyang ina matapos mawala ng matagal, at hindi na ako malungkot at walang magawa.
Pagkatapos noon, sa pamamagitan ng pagdanas ng buhay sa simbahan at patuloy na pagbabasa ng salita ng Diyos, at pagsubok na ilahad sa Diyos ang sakit sa aking kalooban sa pamamagitan ng pagdadasal, unti-unti kong naramdaman ang pagkabawas ng paghihirap at pagod. Isang araw, nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos, “Sina Adan at Eba na nilalang ng Diyos sa pasimula ay mga banal na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden sila ay banal, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehovah, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehovah. Ito ay dahil sa wala silang paggambala ng impluwensya ni Satanas, walang kamandag ni Satanas, anupa’t sila ang pinakadalisay sa lahat ng sangkatauhan. Sila ay nakatira sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at nasa pag-aalang-alang kay Jehovah. Sa dakong huli, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng kamandag ng ahas, at ng pagnanasa na ipagkanulo si Jehovah. at namuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay banal at gumagalang kay Jehovah; kaya lamang sila ay tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas at naiwala ang orihinal na larawan ng tao.” Binasa ko rin ang mga sipi ng mga Pangaral at Pagbabahagi sa Pagpasok sa Buhay, “Sa kasalukuyan, ang relasyon ng mga tao sa isa’t isa ay abnormal. Ang pangunahing dahilan dito ay malalim ang pinsalang ginawa ni Satanas sa mga tao at labis na buktot ang kanilang integridad. Walang ibang hinahanap ang tao kundi ang kumita at subukang pakinabangan ang ibang tao sa lahat ng kanilang ginagawa. Ginagabayan sila ng mga sarili nilang indibidwal na intensiyon at layunin sa lahat ng bagay. Nabubuhay ang tao para sa kanilang mga sarili at para sa kanilang laman. Wala silang pakialam sa iba at ni wala silang kakayahan na makaramdam ng pagmamahal na dapat ay mayroon sila. … Ang konsensiya at pagka-makatuwiran na dapat ay taglay ng tao ay nawala na sa mundong ibabaw. Wala na ang kagustuhang makipagtulungan sa mga kapwa tao.”
Matapos basahin ang salita ng Diyos, gayundin ang pagbabahagi at mga pangaral, pakiramdam ko ay nahawi na ang mga ulap sa aking puso. Noong umpisa, nang likhain ng Diyos sina Adam at Eba, hindi sila nakontamina ng dumi o kasamaan, wala rin silang mga kaisipan o paniniwala na tulad ng kay Satanas. Ngunit, matapos mapinsala ni Satanas ang sangkatauhan, napuno tayo ng katiwalian, kasamaan, pagka-ganid, pagiging kasuklam-suklam, pagiging tuso, panloloko, pagmamahal sa papuri at katanyagan, at marami pang bagay. Wala na ni katiting na pagkakapareho sa panahon kung kailan tayo unang nilikha ng Diyos. Sa lipunan ngayon, nabulok ang ating mga puso sa mga popular na mala-demonyong ideya ng “pinaka-mahalaga ang pera sa lahat” at “walang pag-ibig na magtatagal habambuhay kung walang kakainin”, at kapalit niyon ay ginawang baluktot ang ating mga pananaw sa kaligtasan ng buhay at iba pang mga bagay. Inuuna ng mga tao ang mga interes sa tuwing haharap sa iba. Wala nang tunay na pag-ibig. Kahit na hinahangad ng lahat ang tapat na pag-ibig, walang halaga ang pag-ibig kung ihahambing sa pera at mga interes. Maraming tao ang hindi nakayanan ang katotohanang iyon at winasak ang sarili o nagpakamatay. Inisip ko ang sariling karanasan ko sa pag-ibig, at kung paanong ang mga sinumpaan, matatamis na salita, at kahit pa ang magiging anak sana namin ay nawala dahil sa pera at mga interes. Matapos akong pagtaksilan ng aking nobya, hindi ko iyon mailabas, kaya umalis ako sa trabaho at ginamit ang pagbabasa ng mga nobela at pag-inom ng alak upang gawing manhid ang aking sarili, ngunit hindi niyon napalis ang sakit sa aking puso. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbasa sa mga salita ng Diyos, may naintindihan ako. Alam ko na ang sakit na naramdaman ko ay nagmula sa masasamang kalakaran ni Satanas. Matapos ko itong mapagtanto, napalaya na sa wakas ang puso ko.
Kalaunan, binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, “Maraming tao ang nakakaharap ng isang tao sa kanyang buhay, subalit walang sinuman ang nakakaalam kung sino ang magiging kapareha niya sa pag-aasawa. Bagaman ang lahat ay may kani-kanilang sariling mga palagay at personal na pananaw tungkol sa paksa ng pag-aasawa, walang sinuman ang maaaring makahula kung sino sa wakas ang magiging kanilang tunay na kabiyak, at walang saysay ang sariling mga haka-haka. Matapos makatagpo ang isang taong gusto mo, maaari mong habulin ang taong iyon; subalit kung interesado ba ang taong iyon sa iyo, kung siya ba ay maaaring maging kapareha mo, ay hindi ikaw ang magpapasya. Ang nilalayon ng iyong pagsinta ay hindi kinakailangan ang taong iyong makakabahagi sa iyong buhay; samantala may isang kailanman’y hindi mo inaasahang darating nang tahimik sa iyong buhay at magiging iyong kapareha, magiging pinakamahalagang elemento sa iyong kapalaran, ang iyong kabiyak, kung kanino nakabigkis nang mahigpit ang iyong kapalaran. … Kung ang pag-aasawa mismo ay magdadala ng kaligayahan o sakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa ay itinadhana ng Manlilikha at hindi mababago; bawat isa ay dapat tupdin ito. At ang indibidwal na kapalaran na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi nagbabago; matagal na itong itinadhana ng Manililikha.”
Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, natutunan ko na ang kasal ay hindi isang bagay na makokontrol natin mismo, kundi nalalaman iyon base sa itinadhana at inayos ng Maylalang. Maaaring hindi natin maging kapareha ang mga taong gusto natin, gaya ng naranasan ko sa relasyon ko. Noong una ay naisip kong si Xiaodie na ang makakasama ko habambuhay, ngunit dahil magkaiba ang pananaw naming dalawa sa pag-ibig—gusto niya ng pag-ibig na mayroong “tinapay,” samantalang nakatuon ang atensiyon ko sa tapat na pag-ibig sa pagitan ng dalawang tao—kahit na nanatili kaming magkasama, hindi rin kami magiging masaya. Kapag inisip natin ang iba’t ibang uri ng kasal na mayroon ngayon, may ilang masayang magkasama hanggang sa pagtanda, samantalang ang iba naman ay madalas na naghihiwalay at nagkakaayos, makikita natin na ang kasal ay hindi isang bagay na maaari nating kontrolin. Nang mapagtanto ko ito, gumaan ang puso ko, at alam ko na hindi na ako manghihina dahil lamang sa nawala kong relasyon. Alam ko na mayroong naaayon na plano ang Diyos para sa magiging kapareha ko at kung paano ang magiging kasal ko, at handa akong matutong maghintay.
Nang maintindihan ko ang mga bagay na ito, at handa akong sundin ang mga plano at pagsasaayos ng Diyos, ni hindi ko man lamang napansin na hindi na ako naguguluhan, nanghihina, o nabibigo tulad noon, at tumigil na ako sa paggamit ng pagbabasa ng mga nobela, paninigarilyo, at pag-inom ng alak upang gawing manhid ang aking sarili at mamuhay nang mahina. Sa mga sumunod na araw, pumunta ako sa mga pagtitipon at nagbahagi ng salita ng Diyos sa mga kapatid, at habang lalo kong naiintindihan ang katotohanan, nakahanap ako ng mga daan sa salita ng Diyos upang ayusin ang mga problema at paghihirap sa buhay ko, at napuno ako ng pag-asa para sa hinaharap. Noon, inuuna ko ang pag-ibig, ngunit sa huli, winasak ng marahas na realidad ang magandang pangarap ko, at ang salita ng Diyos ang gumabay sa akin palabas sa sakit na nararamdaman ko. Ngayon, umaasa akong sundin ang katotohanan, lumakad sa tamang landas ng buhay, magsumikap na gawin ang aking mga tungkulin bilang isang nilikha, at suklian ang pag-ibig ng Diyos!