30.3.19

Kahulugan ng Buhay-Paalam sa mga Araw ng Pakikipagbuno sa Kapalaran

Ni Yixin
Isang payak na nayon na napag-iwanan na ng panahon, ang aking mga magulang na hapung-hapo mula sa kanilang trabaho, isang buhay na gipit sa pinansyal … ito ang malulungkot na ala-ala na nakatatak sa aking murang isipan, ito ang mga una kong pagkakilala sa salitang “kapalaran.” Pagkatapos kong magsimulang mag-aral, sa unang pagkakataong narinig ko ang aking guro na nagsabi ng “Hawak mo ang iyong kapalaran sa sarili mong mga kamay,” pinakatandaan ko ang mga salitang ito. Naniwala akong kahit na hindi ko mababago ang katotohanan na ako ay ipinanganak sa kahirapan, maaari ko pa ring baguhin ang sarili kong kapalaran sa pamamagitan ng pagsusumikap. Bilang resulta, ibinuhos ko ang lahat ng aking lakas upang makipagbuno sa aking “kapalaran,” at makamtan ang isang kapirasong langit na matatawag kong akin.

Isang Kabiguan sa Aking Pag-aaral
Tulad ng mga sali’t-saling lahi ng hindi mabilang na mga mag-aaral, ang aking pagpupunyaging makapag-aral at makarating sa kolehiyo ang unang hakbang sa pagbabago ng aking kapalaran. Upang maabot ito, nag-aral ako nang husto. Kapag nasa klase ako nakikinig nang husto, kapag nasa labas ng klase habang naglalaro ang ibang mga mag-aaral, nag-aaral pa rin ako, madalas ay subsob ako sa aking mga libro sa kalaliman ng gabi.

Dahil sa subsob ako sa pag-aaral, palaging nabibilang sa pinakamatataas ang aking mga marka. Sa bawat pagkakataon na hinahangaan ako ng aking mga guro at mga kamag-aral lumalakas ang aking paniniwala na “Kailangan akong umasa sa aking sariling dalawang kamay upang mag-ukit ng lugar sa mundo para sa aking sarili.” Ngunit ang mga kaparaanan ng mundo ay pabagu-bago. Habang nagsusumikap ako upang maabot ang mga magagandang layunin na ito, biglang nagkasakit ang aking ama. Matapos siyang suriin ay nalamang siya ay may Cirrhosis, at nasa kalagitnaang yugto na ito. Dahil dito ay nagkaroon ng mga pamamaga sa kanyang katawan, at hindi lamang sa hindi siya nakapagtatrabaho, napagastos rin siya nang malaki sa mga pagpunta sa manggagamot. Sa sandaling panahon ang lahat ng gawaing bahay, pati ang mga gawain sa bukid sa mahigit isang ektaryang lupain, ay napunta sa aking ina, at kasabay nito ay nagkaroon rin siya ng hinekolohiyal na karamdaman. Isang araw ay sinabi sa aking ng aking ama, na may mukhang puno ng pighati: “Anak, sa ngayon ang buong pamilya natin ay sa iyong ina lamang umaasa para sa suporta. Napakabigat ng kanyang dinadala. Napakalaki ng gastos ng pagpapaaral sa apat na bata sa isang taon. Wala talaga tayong ibang paraan upang lahat kayo ay mapag-aral namin. Ikaw ang pinakamatanda, kaya dapat ay isipin mo ang iyong mga kapatid. Bakit hindi ka tumigil para mabigyan ng pagkakataon ang iyong mga kapatid?” Pagkarinig ko sa mga salitang iyon ng aking ama, nakadama ako ng napakatinding kirot sa aking puso: Palagi akong nangangarap na makapag-aral nang mabuti at maging isang bantog na tao, ngunit kung susunod ako sa kahilingan ng aking ama na isuko ang aking pag-aaral, di ba’t ang lahat ng aking mga pagkakataon at pag-asa ay bigla na lamang lubusang maglalaho? Napuno ng luha ang aking mga mata, at nakaramdam ako ng matinding kalungkutan sa aking puso. Alam kong pinag-isipan na ito ng aking ama bago niya sabihin sa akin, at sa pagtingin ko sa aking may sakit na ina, hindi ko kayang ipaubaya sa kanya ang bigat ng pasanin. Kaharap ang pinahirap pang pinansyal na sitwasyon ng aming pamilya, wala akong pagpipilian kung hindi ang makipagkompromiso sa kasalukuyang sitwasyon at labanan ang mga luha kasabay ng pagsunod ko sa mga kahilingan ng aking ama.


Isang Makitid na Pagtakas Mula sa Kalamidad
Kahit hindi nakatapos ng ikatlong taon sa mataas na paaralan, bata pa ako ngunit puno ng ambisyon. Hindi man ako nakapagtapos ng pag-aaral, mabilis kong inisip maghanap ng pansamantalanag trabaho para kumita. Naniniwala akong sa pamamagitan ng pagsusumikap ay maaari ko pa ring ganap na baguhin ang aking kapalaran. Hindi nagtagal, sa pagpapakilala ng isa kong kamag-anak, pumunta ako sa lungsod upang magtrabaho sa isang pabrika ng tela. Upang kumita nang mas malaki nagsumikap akong magtrabaho sa abot ng aking makakaya. Kung saan dalawang makina lamang ang binabantayan ng ibang tao sa akin ay apat, at kapag ang iba ay nagpapahinga patuloy pa rin akong nagtatrabaho. Nakita ng aming amo na maaasahan ako at mahusay, at sa loob ng limang buwan tinaasan niya ang aking sahod katulad ng sa mga manggagawang matagal nsng naroroon. Nainggit sa akin ang aking mga katrabaho.

Noong taong iyon kung kailan tuwang-tuwa ako sa aking tagumpay at nagnanais pang magsumikap, ibinahagi sa akin ng aking ina ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinabi sa akin ng aking ina na ang Diyos ang namamahala at nagsasaayos sa lahat ng mga bagay, at ang kapalaran ng lahat ay pinangangasiwaan sa mga kamay ng Diyos, ngunit sa aking mayabang at mapagmataas na isipan, isa lamang ang aking paniniwala na “Hawak mo ang iyong kapalaran sa iyong sariling mga kamay,” at hindi ko pinakinggan ang mga salita ng aking ina. Sa pagkakataong ito, sa aking maigsing pagharap sa pagliligtas ng Diyos, hindi ko tinanggap ang ebanghelyong ibinahagi ng aking ina, sa halip ay patuloy akong nakibaka at nakipaglaban sa mundo.

Nagpatuloy akong ganito nang ilang taon, at nagsimulang umayos ang aking buhay. Hindi lamang ako nagkaroon ng kaunting ipon para sa aking sarili, madalas rin akong nakapagbibigay ng tulong sa aking pamilya. Naramdaman kong hangga’t patuloy akong nagsusumikap ay tiyak na magkakaraon ako ng maliwanag at walang katapusang mga pagkakataon. Habang patuloy akong nadadala sa paghabol sa kayamanan at mga kasiyahan ng laman, isang hindi inaasahang aksidente sa sasakyan ang sumira sa aking buong plano sa buhay. Tatlong araw at tatlong gabi akong walang malay na nakaratay sa ospital, at pagkagising ko ay hindi ako makapagsalita. Para akong pipi. Noong hinayaan ako ng manggagamot na bumangon at maglakad-lakad nang kaunti saka ko lamang napagtanto na hindi ko maigalaw ang buong kaliwa kong katawan. Hindi ko matanggap ang realidad na ito, dalawampung taong gulang lamang ako! Kung mula ngayon ay magiging paralisado ako sa kama tulad nito, hindi ba’t wasak na ang aking maningning na kabataan? Hindi pa nga nagsisimula ang maganda kong buhay, matatapos na ba talaga ito? Nagdalamhati ako at nabagabag sa puso, ginusto kong umiyak ngunit hindi umagos ang aking mga luha, at hindi ko alam kung paano haharapin ang hinaharap. …Sa mga oras na ito, tinabihan ako ng aking ina upang aluin. Sinabi niya sa akin, “Anak, dahil sa pangangalaga ng Diyos kaya ka nagising! Hindi mo ba alam? Sinabi ng doktor na kahit magising ka ay magiging parang gulay ka na. Pagkarinig namin ng ama mo nito, nalungkot kami. Sa mga nakalipas na araw walang tigil akong nagdasal sa Diyos, ipinauubaya ka sa mga kamay ng Diyos, handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Salamat sa Diyos! Tingnan mo, nagising ka na. Ito ang Diyos na nahahabag sa iyo. Dahil sa mapagbiyayang kalooban ng Diyos kaya sa iyo nangyari ang aksidenteng iyon. Kahit na nakakaranas tayo ng ilang mga pagdurusa sa laman, hindi ba’t ang mga ganitong pagkakataon ang naglalayo sa atin sa mundo at bumabaling sa Diyos? Anak, kailangan mong maniwala sa Diyos kasama ko sa lalong madaling panahon!” Habang nakita kong pinipigilan ng aking ina ang mga luha habang ibinabahagi ang ebanghelyo sa akin, sa wakas ay napukaw ang aking puso. Sinabi ng aking ina na habang wala akong malay ay patuloy siyang nagdasal sa Diyos. Magising man ako o hindi, handa siyang magpasakop sa mga pagsasaayos at pag-aayos ng Diyos. Hindi niya talaga inasahan na gigising ako. Sa pakikinig ko sa lahat ng ito, naramdaman kong dakila talaga ang Diyos! Kahit tinanggihan ko ang Kanyang pagliligtas, hindi Niya ako tinigilan. Nang dumating sa akin ang kalamidad, nasa akin ang Kanyang mga pangangalaga sa lahat ng pagkakataon. Nahabag Siya sa akin at pinangalagaan Niya ako, at iniligtas Niya ako mula sa kamatayan. Hindi ko mapigilang makaramdam ng kaunting pagpapahalaga sa Diyos. Dahil sa kanyang pagkalinga at pangangalaga ay mabilis akong gumaling, at nakalabas ng ospital isang buwan nang maaga sa inaasahan.

Ipagpilitang Gawin ang mga Bagay-Bagay sa Maling Paraan
Maski nasiyahan ako sa pag-ibig at awa ng Diyos, hindi ko pa rin naintindihan ang tunay na kahalagahan ng paniniwala sa Diyos, kaya’t hindi ko itinuturing ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos bilang isang seryosong bagay. Noong medyo gumaling na lamang ako saka iminungkahi sa akin ng aking ina na maghanap ako ng trabaho na malapit sa amin upang masuportahan ang aking pamumuhay, at umasa siyang maglalaan ako ng maraming oras sa pagsasagawa ng aking pananampalataya sa Diyos. Ngunit hindi ako handang mamuhay nang ganito. Naghintay ako hanggang lubusang maghilom ang aking pinsala sa binti at saka umalis sa aming bahay nang walang pag-aalinlangan upang maghanap ng pansamantalang trabaho.

Sa trabaho kong ito ay nagkaroon ako ng kaugnayan sa isang lalaki, at matapos ang pagliligawan sa loob ng ilang panahon, hiningi niya ang aking kamay upang mapagkasal, sa pangakong mamahalin niya ako sa natitirang buhay namin. Naalala ko kung paano nahadlangan ang aking pag-aaral sa mga nakaraang taon, kung paanong sa gitna ng aking pagsisikap ay naaksidente ako, at kung paanong matapos ang lahat ng mga pagsisikap kong ito ay hindi ko pa rin mabago ang aking kapalaran. Kaya ngayon ay umasa akong magbabago ang aking kapalaran sa pag-aasawa kong ito. Kung magpapakasal ako sa isang taong handa akong mahalin habang buhay, kung gayon tiyak na magiging masaya at maligaya ang huling bahagi ng buhay ko. Dala ko ang pananaw na ito ng magandang buhay sa bulwagan ng kasal. Ngunit sa hindi inaasahan, nang ako ay kasal na, ganap na hindi umayon sa aking inaasahan ang nangyari. Madalas makipag-away sa akin ang aking asawa dahil sa mga walang kabuluhang bagay, at ang aking biyenang babae ay malamig rin ang pakitungo sa akin, at siya pa ang nagsusulsol upang mag-away kami ng aking asawa. … Namuhay ako sa pagdurusa nang wala man lang umaalo sa akin. Higit pa rito, sa malayo nakatira ang pamilya ng aking napangasawa, kaya walang sinuman sa aking paligid ang masasabihan ko. Dahil sa nararamdaman kong kawalan ng kakayahan, ang tanging nagawa ko lamang ay umalis muli at maghanap ng pansamantalang trabaho. Hindi nagtagal at naging parang mga estranghero kami ng aking asawa dahil nakatira kami sa dalawang magkaibang lugar. Pagkaraan ng limang taon ng pagsasama, ginusto niyang makipagdiborsyo, sabay sabing may iba na siyang nakilalang babae na mas gusto niya. Pagkarinig ko sa sinasabi niya, parang nawala akong saglit, at naisip kong, “Ano’ng gagawin ko? Sinasabi ng lahat na ang diborsyo sa isang babae ay kapareho ng halos naghihingalo na sa buhay, kung gayon anong gagawin ko sa huling bahagi ng buhay ko?” Habang pinipirmahan ko ang aking sertipiko ng diborsyo, mag-isa akong sumakay ng tren pauwi sa amin dala-dala ang aking bagahe, at nagsimula akong umiyak nang umiyak. Naintindihan ko ang matinding pagdurusang nararanasan ng mga taong nabubuhay sa mundo, at mas naunawaan ko ang pag-iisang hindi ko pa naranasan na siyang humarap sa akin. Napakalaki ng mundo ngunit walang lugar para sa akin. Masyado akong nalungkot. Ninais kong mamatay para tapusin ang lahat. Ngunit naisip ko ang aking mga magulang na tumatanda sa paglipas ng mga araw, at nakadama ako ng pag-aatubili: Kung mamatay ako, ano lamang ang magagawa sa kanila ng kanilang pighati! Hindi mangyayari ito. Hindi ako maaaring mamatay nang ganoon. Kailangan kong tuyuin ang aking mga luha, tanggapin ang katotohan at patuloy na mabuhay.

Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak
Sa pagbalik ko, muling ibinahagi sa akin ng aking ina ang salita ng Diyos. Kinuha ko ang aklat sa kanyang mga kamay at binasa ang mga salita ng Diyos: “Mula ng sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinimulan mo nang gawin ang iyong tungkulin. Ginagampanan mo ang iyong papel ayon sa plano ng Diyos at sa pagtatalaga ng Diyos. Sinimulan mo ang paglalakbay ng buhay. Anuman ang iyong kinagisnan at anumang paglalakbay ang nasa iyong hinaharap, walang maaaring makaligtas sa pagsasaayos at pagkakaayos na inilaan ng Langit, at walang sinuman ang may kontrol ng kanilang kapalaran, sapagkat Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahan ng naturang gawain” (“Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Ikaw ay naglalakad kasama ang masama, mula noong parehong araw na nagsimula kang tumanggap ng mga panustos mula sa Makapangyarihan sa lahat. Ikaw at ang masama ay tumahak sa loob ng libu-libong taon ng bagyo at unos. Kasama ito, sumasalungat ka sa Diyos, na pinagmulan ng iyong buhay. Hindi ka nagsisisi, lalo na ang malaman mong ikaw ay patungo sa punto ng pagkapahamak. Nakakalimutan mo na ang masama ay natukso ka, pinahirapan ka; nakakalimutan mo na ang iyong pinagmulan. Ganoon lang, ang masama ay namiminsala sa iyo unti-unti, hanggang sa ngayon. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay hindi na sensitibo at nabubulok na. Hindi ka na nagrereklamo tungkol sa pagdurusa ng mundo, hindi na naniniwala na ang mundo ay hindi makatarungan. Hindi mo na rin pinahahalagahan ang tungkol sa pag-iral ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil itinuturing mo ang masama bilang iyong tunay na ama, at hindi ka na maaaring mapahiwalay mula sa kanya. Ito ang lihim sa iyong puso” (“Ang Panaghoy ng Makapangyarihan sa Lahat” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ako ay nakaunawa. Ang Diyos ang Manlilikha at Pinuno ng mga kalangitan at mundo at ng lahat ng mga bagay, higit pa rito Siya ang pinagmumulan ng buhay para sa sangkatauhan. Ang kapalaran ng bawat isa ay pinamamahalaan at kinokontrol ng mga kamay ng Diyos. Ngunit hindi ako lubusang naniwala sa Diyos, at hindi ako nagkaraoon ng totoong kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Umaasa pa rin ako sa binhi ni Satanas na nakatanim nang malalim sa akin upang mabuhay, na nagsasabing “Hawak mo ang iyong kapalaran sa iyong sariling mga kamay.” Sa aking kayabangan ay sinubukan ko pa ring umasa sa aking sarili at libutin ang mundo sa paghananap ng kapirasong langit, binabalewala ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Binalikan ko ang nakalipas na dekada, kung paanong sa kagustuhan kong baguhin ang aking kapalaran ay nag-aral ako nang mabuti at nagsumikap kumita ng pera. Pagkatapos, naaksidente ako sa sasakyan, pinangalagaan ako ng Diyos at tinulungan Niya akong makatakas mula sa kalamidad, hinayaang parang himalang mabilis na gumaling ang aking katawan. Ngunit hindi ko pa rin nakita ang katotohanan sa kabila ng pangungumbinsi ng aking ina. Hindi ko tinanggap ang ebanghelyo at hindi ako humarap sa Diyos, sa halip umasa ako sa aking ambisyon at pagnanais na gawin ang aking mga plano, upang malaman ang patutunguhan ng buhay ko sa hinaharap. Subalit muli ay inilagay ko ang kaligayahan ng sarili kong buhay sa pagpasok sa isang kasal. Inakala kong nakatagpo ako ng isang taong mapapangasawa na mananatiling tapat sa akin at mamahalin ako habang buhay, at talagang masisiyahan ako, ngunit sa bandang huli binigyan ako ng nabigong pag-aasawa ng walang katapusang pagdurusa. … Kumapit ako sa mga salitang “Hawak mo ang iyong kapalaran sa iyong sariling mga kamay,” sa paniniwalang sa pamamagitan ng pag-asa sa aking pagsusumikap ay mababago ko ang aking kapalaran, at pasasaan ba at darating ang araw na ako ay tunay na magiging matagumpay. Ngunit makalipas ang napakaraming taon, matapos magkapilat at mabugbog, matapos ang mga matitinding pagkatalo, bukod sa sakit at pagdurusa wala na akong iba pang napala. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw kung paano ako umasa sa mga lason ni Satanas upang mabuhay, kung paano ito nakikipagpaligsahan sa aking kapalaran, saka ko lamang nakita na hindi ko kinilala ang kapangyarihan ng Diyos, na sa pag-asa ko sarili kong kakayahan ay binabalewala ko ang kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos. Talagang walang kwenta iyon at lubos na kahangalan! Kahit na inilayo ko ang sarili ko sa Diyos at tumanggi na makinig sa tinig ng Diyos, pinatawad pa rin ako ng Diyos at pinagtiisan, tahimik Siyang naghintay sa akin, at gumawa ng mga kapaligiran upang gisingin ang aking puso at kaluluwa. Sa pamamagitan ng muling pagbabahagi ng aking ina ng ebanghelyo sa akin ay naibalik ako sa Diyos. Sa pagkakataong ito ay napakarami kong panghihinayang, ngunit ako ay puno ng pasasalamat at utang na loob sa aking puso sa Diyos, at hindi ko mapigilan ang aking luha sa pagtulo sa aking mukha.
Paghahanap ng Kaligayahan
Ang pagbabalik-loob sa harap ng Diyos at pagtatamasa ng pagdidilig sa akin ng salita ng Diyos ang unti-unting nagpagaling sa sugatan kong espiritu. Hindi naglaon, nabalitaan ng isang kalapit na kapatid na babae ang tungkol sa aking diborsyo at ninais niyang ipakilala ako sa isang kapareha. Sa pagkakataong ito ay hiningi ko ang payo ng aking ina. Hindi siya gumawa ng pagpapasya para sa akin, sa halip sinabihan niya akong ipagdasal ko ito upang hingin ang patnubay ng kalooban ng Diyos. Lumapit ako sa Diyos upang manalangin, at ipinaubaya ko sa kamay ng Diyos ang tungkol sa aking pag-aaasawa. Matapos magdasal, nakaramdam ako ng kapayapaan sa aking puso, at naalala ko ang isang talata mula sa salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa pamamahala ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Sa kabila ng parating pagmamadali at maraming ginagawa para sa sarili, nananatiling walang kakayahan ang tao na kontrolin ang kanyang sarili. Kung maaari mong malaman ang iyong sariling mga inaasam, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, mananatili ka pa bang isang nilikha? … Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya papaano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?” (“Pagpapanumbalik sa Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Totoo iyon. Ang aking kapalaran ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Anumang uri ng pag-aasawa ang magkakaroon ako ay papasyahan at isasaayos ng Diyos. Hindi ako maaaring gumawa ng sarili kong pagpili, tulad ng ginawa ko noong nakaraan, ayon sa aking mga sariling mga kinakailangan at mga pamatayan. Anumang uri ng buhay ang tatahakin ko sa huling bahagi ng buhay ko, anumang uri ng asawa ang mahahanap ko, naniniwala ako na ang lahat ng ito ay itinalaga at isinaayos ng Diyos. Ang kailangan kong gawin ngayon ay ang hanapin ang kalooban ng Diyos, sundin ang Kanyang pamumuno, at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.

Sa araw na nagkita kami napansin ko na hindi masyadong matangkad ang lalaking iyon, ni magaling makipag-usap. Batay sa mga nagdaan kong pamantayan sa pagpili ng asawa, tiyak na maghahanap ako ng makakaparehang magaling makipag-usap, o matangkad at guwapo, ngunit sa pagkakataong ito hindi ako gumawa ng madaliang pagtanggi. Sa halip, pumayag akong magkakilala muna kami nang matagal-tagal. Sa mga sumunod na araw natuklasan kong hindi man siya likas na kaakit-akit o romantiko, siya ay matapat at maalalahanin sa iba, matatag sa kanyang mga tungkulin, at, higit sa lahat, sinusuportahan niya ang aking pananampalataya sa Diyos. Nadama kong siya na marahil ang asawang isinaayos ng Diyos para sa akin, Matapos makilala ang isa’t-isa nang ilang panahon ay nagpakasal kami. Pagkatapos ng kasal, napakabuti ng pamilya ng ang aking asawa sa akin, at lahat sila ay sinusuportahan ang aking pananampalataya sa Diyos. Kapag nagkakatipun-tipon kami ng mga kapatid, taos-puso nilang binabati ang aming mga bisita. Napakasaya ko, at lubos na panatag ang aking puso. Sa puso ko ay nagpapasalamat ako sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng Diyos: “Subalit kapag tunay mong alam, kapag tunay mong nakilala na ang Diyos ay may kapangyarihan sa pantaong kapalaran, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat-lahat na naplano at napagpasyahan para sa iyo ay isang malaking benepisyo, at isang malaking proteksyon, samakatwid ang iyong sakit ay unti-unting gagaan, at ang buo mong pagkatao ay magiging maalwan, malaya, napalaya” (“Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Ang mga salita ng Diyos ang nagpaunawa sa akin na tanging Siya lamang ang nakakaintindi sa lahat ng pangangailangan ng bawat tao. Pinagmamasdan niya ang lahat ng ating mga kalagayan, at tanging Siya lamang ang may kataas-taasang kapangyarihan sa atin at nagsasaayos ng lahat para sa atin sa pinakamahusay na paraan. Sa kasalukuyan ay nakamit ko ang pagliligtas ng Diyos at lumalapit sa harap Niya. Nasisiyahan akong diligan at tustusan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng aking mga karanasan sa aking trabaho, pamilya, at pag-aasawa, nalutas ko ang mala-satanas na panuntunan na namalagi sa loob ko at nagsasabing “Hawak mo ang iyong kapalaran sa iyong sariling mga kamay.” Nakilala ko na ang mala-satanas na mga salitang ito ay nanlilinlang at nagpapasama sa mga tao, na dinadaya sila na lumayo sa Diyos. Kasabay nito, naunawaan ko rin na ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, na ang buo nating buhay ay pinamamahalaan at pinangangasiwaan ng Diyos, at walang sinuman ang makakaalis mula dito, ni kontrolin ito. Sa kayabangan ay sinusubukan nating umasa sa ating mga sarili upang baguhin ang ating kapalaran, para lamang matalo at masugatan.

Ito ang pagpapahayag ng kapangyarihan ng Manlilikha. Iniligtas ako ng Diyos mula sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas. Nagbalik-loob ako sa harap ng Diyos, at inakay ako ng Diyos na maunawaan ang katotohanan, at sa wakas ay tinatahak ko na ang totoo at tamang landas ng buhay ng tao. Sa pamamagitan ng mga bagay na aking naranasan, napagtanto ko na ang lahat ng kayamanan at katayuan at lahat ng materyal na bagay sa mundong ito ay walang kabuluhan, at sa Diyos ka lamang maaaring umasa upang mabuhay. Saka lamang magiging matatag at mapayapa ang iyong puso. Ito ang pinakadakilang pag-ibig at pagpapala ng Diyos na ipinagkaloob Niya sa akin. Sa pagpapatuloy ko ng aking paglalakbay, isa lamang ang umuudyok sa akin: Ang mga taong mangmang na nilalabanan ang Diyos ang siyang nabubuhay na may pinakamatinding pagdurusa, at tanging ang mga matatalinong tao lamang na nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang pinalaya at maligaya!