Mga Pangako at Pagpapala ng Diyos sa mga Mananagumpay
Kung ang isang taong nananalig sa Diyos ay nagkamit ng kadalisayan, nagbago sa kanyang disposisyon sa buhay, nakilala ang Diyos at naging kaisa ng Diyos sa isipan, ibig sabihin ay nagtamo na siya ng buhay at ng katotohanan.
Kung gayo’y ano ang kinalabasan ng taong ito? May lugar siya sa kaharian ng Diyos. Paano nabuo ang kaharian ni Cristo? Ito’y resulta ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay padadalisayin ang isang grupo ng mga tao; gagawin sila nitong perpekto. Ang mga taong ito ay maghahari sa kaharian ni Cristo. May isang pahayag sa mga salita ng Diyos na nagsasabing, “Lahat ng tao ng ‘Sinim’ ay mga hari.” Hindi ba iyan sinabi ng Diyos? Anong bansa ang tinutukoy ng “Sinim”? China. Tinutukoy ng mga Israelita ang China bilang “Sinim.” Ang “mga tao ng Sinim” ay isang grupo ng mga mananagumpay na ginagawa ng Diyos sa China. Ang mga mananagumpay na ito ay maghahari sa Milenyong Kaharian ng Diyos. Kahit hindi ito mismo ang sinasabi sa mga salita ng Diyos, iyan ang ibig Niyang sabihin. Maaaring itanong ng ilang tao, “Sinasabi mo ba na sa mga huling araw, sa China lang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain? Ang gawain ng Diyos ay magwawakas bago ito tanggapin ng mga tao sa ibang bansa? Kung gayon, palagay ko hindi makakaligtas ang mga tao sa ibang bansa.” Hindi ganoon. Ang paggawang ganap sa isang grupo ng mga tao sa China ay ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos. Sila ang mga mananagumpay na ginawa sa yugtong ito ng gawain, ang mga hari sa susunod na panahon. Tungkol naman sa mga tao ng Diyos mula sa ibang bansa, ang mga tao ng Milenyong Kaharian, gagawin silang perpekto at babalik sa Diyos pagsapit ng sakuna. Ang mga taong dumaranas ng gawain ng paghatol ng Diyos sa China ang maghahari. Maghahari sila alinsunod sa kalooban ng Diyos. Iba naman ang mga taong tumatanggap sa Diyos pagsapit ng malaking sakuna; iba ang kanilang katayuan at posisyon. Maaaring mga ordinaryong tao lang sila ng kaharian. Samakatwid, ang mga taong tumatanggap sa yugtong ito ng gawain ng Diyos sa China, lalo na yaong mga napahirapan ng malaking pulang dragon pero nananatiling tapat sa Diyos hanggang wakas, sila ang magiging mga mananagumpay. Maghahari sila sa kaharian ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian. Sa sumunod na kapanahunan, mga Chinese ang maghahari sa kaharian. Tiyak iyan, dahil sila ang unang tumanggap kay Cristo at ginawang perpekto bago sumapit ang sakuna. Mas nararapat sila kaysa sa mga tao ng ibang bansa. Bukod dito, lahat ng itinakda at pinili ng Diyos sa mga huling araw ay isinilang sa China; sila ang unang tumanggap sa yugtong ito ng gawain. Samakatwid, ang mga Chinese na tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, lalo na ang mga napahirapan ng malaking dragon pero makakasunod hanggang wakas, ang pinakamapalad. Hindi tatanggap ng mga pagpapalang ito ang mga banyagang tumatanggap sa Diyos, dahil hindi nila natiis ang gayon katinding pagdurusa. Itinadhana na ito ng Diyos. Malilikha ang kaharian ni Cristo dahil sa isang grupo ng mga tao na ginawang ganap ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Paano nililikha ang kaharian ni Cristo? Paano ito itinatatag? Nililikha ito mula sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ito ang nakakamtan mula sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang katuparan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang paglikha ng kaharian ni Cristo. Kung hindi ninyo tinatanggap ang paghatol ni Cristo sa mga huling araw, hindi kayo magkakaroon ng lugar sa Kanyang kaharian. Ganoon lang kasimple. Ganoon lang talaga. Tingnan ninyo ang nakatala sa Aklat ng Pahayag: Isang grupo ng mga mananagumpay ang lilitaw mula sa malaking kapighatian matapos mahatulan. Pagkatapos ay iiral ang kaharian ni Cristo, at 1,000 taon matapos itong likhain, lilitaw ang bagong langit at bagong lupa. Itatayo ang tabernakulo ng Diyos sa sangkatauhan. Lahat ng salitang ito ay matutupad. Lilikhain ang kaharian ni Cristo mula sa isang grupo ng mga mananagumpay na ginawa sa pamamagitan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ginagawang perpekto ang mga tao ng Diyos, ang mga tao ng kaharian, sa pamamagitan ng malaking sakuna. Kung wala ang mga ito na naghahari, maaari bang umiral ang kaharian? Saan sila manggagaling? Ang mga ginawang perpekto bago sumapit ang sakuna. Naranasan na ng mga taong ito ang malupit na pagpapahirap ng malaking pulang dragon at tatanggap sila ng pinakamaraming pagpapala sa huli. Itinadhana na ito ng Diyos. Lahat ng ito ay ayon sa mga salita ng Diyos!
mula sa Mga Sermon at Paliwanag tungkol sa Pagpasok sa Buhay (Series 138)
Malaman ang higit pa: Sermon Tungkol sa Kaligtasan