Lahat kayo ay nasa hustong gulang na. Ang ilan sa inyo ay may edad na ; ang ilan ay nakapasok na sa katandaan. Mula sa isang di-mananampalataya tungo sa isang mananampalataya, at mula sa simula ng paniniwala sa Diyos tungo sa pagtanggap sa salita ng Diyos at pagdanas sa gawain ng Diyos, gaano karaming kaalaman na ang nakamtan ninyo tungkol sa dakilang kapangyarihan ng Diyos? Anong mga pananaw ang natamo ninyo tungkol sa kapalaran ng tao? Maaari bang makamit ng isang tao ang lahat ng kanyang mga inaasam sa buhay? Ilang bagay sa loob ng ilang dekada ng inyong buhay ang naisakatuparan na ninyo ayon sa inyong ninais? Ilang bagay ang hindi nangyari gaya ng inasahan?
Ilang bagay ang dumating bilang kaaya-ayang mga sorpresa? Ilang bagay ang hinihintay pa ng mga tao na magbunga—walang malay na naghihintay sa tamang sandali, naghihintay sa kalooban ng Langit? Ilang bagay ang dahilan ng pagkaramdam ng mga tao na sila’y walang magawa at bigo? Ang bawat isa ay puno ng pag-asa tungkol sa kanilang kapalaran, at umaasa na ang lahat sa kanilang buhay ay aayon sa kanilang ninanais, na hindi sila mangangailangan ng pagkain o damit, na magkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang suwerte. Walang sinuman ang nagnanais ng isang buhay na dukha at api, puno ng paghihirap, dinadagsa ng mga kalamidad. Subalit hindi maaaring mahulaan o makontrol ng mga tao ang lahat ng ito. Marahil para sa iba, ang nakaraan ay isa lamang pagkakahalu-halo ng mga karanasan; hindi kailanman nila natututuhan kung ano ang kalooban ng Langit, ni wala silang pakialam kung ano ito. Isinasabuhay nila ang kanilang buhay nang hindi nag-iisip, tulad ng mga hayop, nabubuhay sa araw-araw, walang pakialam tungkol sa kapalaran ng sangkatauhan, tungkol sa kung bakit buhay ang mga tao o kung paano sila dapat mamuhay. Ang mga taong ito ay tumatanda na walang natamong pagkaunawa tungkol sa tadhana ng tao, at hanggang sa sandali na sila’y mamatay ay wala silang ideya kung tungkol saan ang buhay. Ang mga ganoong tao ay patay; sila’y mga nilalang na walang espiritu; sila’y mga hayop. Bagaman nabubuhay kasama ang lahat ng bagay, kumukuha ang mga tao ng kasiyahan mula sa maraming paraang pagbibigay-lugod ng mundo sa kanilang materyal na mga pangangailangan, kahit na nakikita nilang patuloy na sumusulong ang materyal na mundong ito, ang kanilang sariling karanasan—kung ano ang nadarama at nararanasan ng kanilang mga puso at kanilang mga espiritu—ay walang kinalaman sa mga materyal na bagay, at walang anumang materyal ang maipapalit dito. Ito ay isang pagkilala sa kaibuturan ng puso ng tao, isang bagay na hindi maaaring makita ng mata lamang. Ang pagkilalang ito ay nasa pag-unawa at pakiramdam ng tao sa buhay at kapalaran ng tao. At madalas nitong dinadala ang tao sa pagkaintindi na isinasaayos ng di-nakikitang Panginoon ang lahat ng bagay para sa tao. Sa gitna ng lahat ng ito, hindi maaaring hindi tanggapin ng isang tao ang mga paghahanda at pagsasaayos ng tadhana; kasabay nito, hindi maaaring hindi tanggapin ng isang tao ang landas na inilatag ng Lumikha, ang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sinuman. Ito ay isang hindi maikakailang katotohanan. Anuman ang pag-iisip at pag-uugali ng isang tao tungkol sa kapalaran, walang makapagbabago sa katotohanang ito.
Kung saan ka pupunta araw-araw, ano ang gagawin mo, sino o ano ang iyong makakatagpo, ano ang sasabihin mo, ano ang mangyayari sa iyo—maaari bang mahulaan ang alinman sa mga ito? Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang lahat ng pangyayaring ito, higit lalo ang makontrol kung paano magaganap ang mga ito. Sa buhay, ang mga di-nakikitang pangyayaring ito ay nagaganap sa lahat ng oras, at ito’y mga pang-araw-araw na pangyayari. Ang araw-araw na malaking mga pagbabago at ang mga paraan ng pagkakaganap ng mga ito o ang mga disenyo ng pangyayari ng mga ito, ay palagiang mga paalala sa sangkatauhan na walang nangyayari nang sapalaran, na ang landas sa pagbuo na kukunin ng mga bagay na ito at ang pagiging di-maiiwasan ng mga ito, ay hindi mababago ayon sa kagustuhan ng tao. Bawat pangyayari ay naghahatid ng isang paalala ng Lumikha sa sangkatauhan, at nagpapadala rin ito ng mensahe na hindi maaaring makontrol ng mga taong nilalang ang kanilang sariling mga kapalaran; kasabay nito ang bawat pangyayari ay isang pagsalungat sa padalus-dalos, walang-saysay na ambisyon at mga pagnanasa ng sangkatauhan na ilagay sa sarili nilang mga kamay ang kanilang kapalaran. Ang mga ito’y parang malalakas na sunud-sunod na sampal sa sangkatauhan, pinupuwersa ang mga tao na isaalang-alang kung sino ang namamahala at kumokontrol sa kanilang kapalaran sa katapusan. At habang ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais ay paulit-ulit na nahahadlangan at nadudurog, likas na humahantong ang mga tao sa walang-malay na pagtanggap sa kung ano ang inilaan ng kapalaran, isang pagtanggap sa realidad, sa kalooban ng Langit at sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha. Mula sa pang-araw-araw na malalaking pagbabago tungo sa mga kapalaran ng buong buhay ng mga tao, walang bagay na hindi nagbubunyag sa mga plano ng Lumikha at ng Kanyang dakilang kapangyarihan; walang anumang hindi nagpapaabot ng mensahe na “ang awtoridad ng Lumikha ay hindi malalampasan,” ang hindi nagpapadala ng walang hanggang katotohanan na “ang awtoridad ng Lumikha ay pinakamataas.”
Ang mga kapalaran ng sangkatauhan at ng sansinukob ay malapit na nakaugnay sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha, di-maihihiwalay na nakatali sa mga pagsasaayos ng Lumikha; sa katapusan, sila ay hindi maaaring maihiwalay mula sa awtoridad ng Lumikha. Sa pamamagitan ng mga batas ng lahat ng bagay nagsisimulang maunawaan ng tao ang mga pagsasaayos ng Lumikha at Kanyang dakilang kapangyarihan; sa pamamagitan ng mga patakaran ng pagkakaligtas nararamdaman niya ang pamamahala ng Lumikha; mula sa mga kapalaran ng lahat ng bagay kumukuha siya ng mga konklusyon tungkol sa mga paraan ng paggamit ng Lumikha sa Kanyang dakilang kapangyarihan at pagkontrol sa kanila; at sa mga siklo ng buhay ng mga tao at lahat ng bagay, tunay na nararanasan ng tao ang pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha para sa lahat ng bagay at mga nabubuhay na nilalang at tunay na nasasaksihan kung paano pinapalitan ng mga pagsasaayos at paghahandang ‘yon ang lahat ng batas, patakaran, at mga institusyon, lahat ng iba pang kapangyarihan at puwersa sa lupa. Dahil dito, napipilitan ang sangkatauhan na tanggapin na hindi maaaring labagin ng sinumang nilalang ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha, na walang puwersa ang maaaring makialam o magpalit sa mga pangyayari at mga bagay na itinadhana ng Lumikha. Sa ilalim ng mga banal na batas at mga patakarang ito na nabubuhay at nagpaparami ang mga tao at lahat ng bagay, sa bawat salinlahi. Hindi ba ito ang tunay na kumakatawan sa awtoridad ng Lumikha? Bagaman nakikita ng tao, sa layunin ng mga batas, ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha at Kanyang pagtatadhana para sa lahat ng pangyayari at lahat ng bagay, ilang tao ang nakauunawa sa prinsipyo ng dakilang kapangyarihan ng Lumikha sa sansinukob? Ilang tao ang tunay na makakaalam, makakikilala, makatatanggap at magpapasailalim sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha at kaayusan ng kanilang sariling kapalaran? Sino, matapos maniwala sa katotohanan ng dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay ng Lumikha, ang tunay na naniniwala at kumikilala na idinidikta rin ng Lumikha ang kapalaran ng buhay ng tao? Sino ang tunay na makauunawa sa katotohanan na ang kapalaran ng tao ay nakasalalay sa palad ng Lumikha? Ang uri ng pag-uugali na dapat taglayin ng sangkatauhan hinggil sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha, kapag naharap siya sa katotohanan na pinamamahalaan at kinokontrol Niya ang kapalaran ng sangkatauhan, ay isang kapasyahan na dapat gawin ng bawat tao, na ngayon ay nahaharap sa katotohanang ito, para sa kanyang sarili.
mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao