18.10.19

Kamatayan: Ang Ikaanim na Sugpungan


Kamatayan: Ang Ikaanim na Sugpungan

Matapos ang kay daming pagtutulakan at pagmamadalian, napakaraming pagkadismaya at kabiguan, matapos ang napakaraming galak at kalungkutan at mga tagumpay at mga kabiguan, matapos ang napakaraming di-malilimutang taon, matapos ang pagmamasid sa mga panahon na umiikot muli’t muli, dumadaan ang isang tao sa mahahalagang pangyayari sa buhay nang hindi napapansin, at sa isang iglap natatagpuan niya ang kanyang sarili na tumatanda na.  Nakatatak ang mga marka ng panahon sa lahat ng bahagi ng katawan ng isang tao: Hindi na siya makatayo nang tuwid, ang itim na buhok sa ulo ay nagiging puti, ang maliliwanag at malilinaw na mata ay nagdidilim at nanlalabo, ang makinis, malambot na balat ay nagiging kulubot at batik-batik. Ang pandinig niya ay humihina, ang mga ngipin ay lumuluwag at nalalaglag, ang mga reaksyon ay naaantala, ang mga kilos ay bumabagal…. Sa puntong ito, ganap nang nakapagpaalam ang isang tao sa maalab na mga taon ng kanyang kabataan at pumasok na sa takipsilim ng kanyang buhay: ang katandaan. Susunod, kakaharapin ng isang tao ang kamatayan, ang huling sugpungan sa buhay ng tao.

1. Tanging ang Lumikha ang may Kapangyarihan sa Buhay at Kamatayan ng Tao

Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, samakatwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang yaon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng isang misyon sa buhay na ito, samakatwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong yaon. Yamang ang Lumikha ang nagtadhana ng isang nakapirming hanay ng mga pangyayari para sa kapanganakan ng isang tao, di man sabihin Siya rin ang nagsaayos ng isang pirming hanay ng mga pangyayari para sa kamatayan niya. Sa ibang salita, walang sinuman ang ipinanganak na nagkataon lang, walang kamatayan ang hindi inaasahan, at kapwa ang kapanganakan at kamatayan ay kinakailangang konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Ang mga pangyayari ng kapanganakan at kamatayan niya ay kapwa itinadhana ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Ganoon din karami ang masasabi tungkol sa kapanganakan ng isang tao, magaganap ang kamatayan ng bawat tao sa ilalim ng magkakaibang hanay ng espesyal na mga pangyayari, kung kaya may magkakaibang haba ng buhay ang mga tao at magkakaibang kaparaanan at mga oras ang kanilang mga kamatayan. May ilang tao na malakas at malusog ngunit namamatay nang maaga; ang mga iba ay mahina at sakitin ngunit nabubuhay hanggang sa tumanda, at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba’y sa natural. Ang ilan ay tinatapos ang kanilang mga buhay nang malayo sa tahanan, ang iba’y ipinipikit ang mga mata kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba’y sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay lumulubog sa ilalim ng tubig, ang iba’y nawawala sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakawala sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring gawin ng tao ang lahat ng uri ng mga plano para sa kanyang kinabukasan, subalit walang sinuman ang maaaring makapagplano ng kaparaanan at panahon ng kanyang kapanganakan at ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagaman ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at tutulan ang pagdating ng kamatayan, gayunpaman, tahimik na lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan sila mamamatay o kung paano sila mamamatay, lalong hindi alam kung saan magaganap iyon. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang humahawak ng kapangyarihan ng buhay at kamatayan, hindi isang nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na ang awtoridad ay natatangi. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng ilang batas ng mundong natural, ngunit bunga ng kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.

2. Ang Hindi Nakakaalam sa Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha ay Hindi Patatahimikin ng Takot sa Kamatayan

Kapag pumasok ang isang tao sa katandaan, ang hamon na kinakaharap niya ay hindi ang paglalaan para sa isang pamilya o pagtatatag niya ng maringal na mga ambisyon sa buhay, kundi kung paano mamamaalam sa sariling buhay, kung paano kakatagpuin ang pagtatapos ng sariling buhay, kung paano tutuldukan ang sariling pag-iral. Bagaman sa ibabaw tila kaunting atensyon lang ang ibinibigay ng mga tao sa kamatayan, walang sinuman ang maaaring makaiwas sa pagsiyasat sa paksa, pagkat walang sinuman ang nakakaalam kung may isa pa ngang mundo sa dakong mas malayo pa sa kamatayan, isang mundo na hindi maaaring mahiwatigan o maramdaman ng mga tao, isang mundo na wala silang alam. Ito ang sanhi ng takot ng tao na tuwirang harapin ang kamatayan, takot na kaharapin ito ayon sa nararapat, at sa halip gagawin nila ang lahat upang maiwasan ang paksa. Kung kaya pinupuno nito ang mga tao ng pangamba tungkol sa kamatayan, at nagdaragdag ng talukbong ng misteryo sa di-maiiwasang katotohanang ito ng buhay, naglalagay ng namamalaging anino sa puso ng bawat tao.

Kapag nararamdaman ng isang tao na nanghihina na ang kanyang katawan, kapag nadarama niya na papalapit na siya sa kamatayan, nakakaramdam siya ng malabong pangamba, isang di-maipahayag na takot. Ipinadarama sa isang tao ng takot sa kamatayan ang mas matindi pang kalungkutan at kawalang-magawa, at sa puntong ito tinatanong niya sa sarili: Saan nanggaling ang tao? Saan papunta ang tao? Ganito ba mamamatay ang tao, mabilis lang na dumaraan ang kanyang buhay sa kanya? Ito ba ang yugto na nagmamarka sa katapusan ng buhay ng tao? Ano, sa bandang huli, ang kahulugan ng buhay? Ano ang halaga ng buhay, sa wakas? Tungkol ba ito sa katanyagan o karangyaan? Tungkol ba ito sa pagpapalaki ng isang pamilya? … Napag-iisipan man ng isang tao ang tungkol sa partikular na mga katanungang ito o hindi, kahit gaano kalalim ang takot ng isang tao sa kamatayan, sa mga kaibuturan ng puso ng bawat tao palaging may pagnanais na siyasating maigi ang mga misteryo, isang pakiramdam ng kawalang pagkaunawa sa buhay, at kahalo ng mga ito, pagka-sentimental tungkol sa mundo, isang pag-aatubili na lumisan. Marahil walang sinuman ang makapagsasabi nang malinaw kung ano ang kinatatakutan ng tao, kung ano ang nais siyasatin ng tao, kung ano ang dinaramdam niya at kung ano ang pinag-aatubilihan niyang iwan. …

Dahil sa takot nila sa kamatayan, masyadong nag-aalala ang mga tao; dahil sa takot nila sa kamatayan, kay dami nilang hindi mabitawan. Kapag mamamatay na sila, may ilang tao ang naliligalig tungkol sa ganito o sa ganoon; nag-aalala sila tungkol sa kanilang mga anak, sa mga minamahal nila sa buhay, sa kanilang kayamanan, na para bang sa pamamagitan ng pag-aalala mabubura nila ang paghihirap at pangamba na dinadala ng kamatayan, na para bagang sa pagpapanatili ng parang pagkakalapit sa nabubuhay maaari nilang matakasan ang kawalang-magawa at kalungkutan na kaakibat ng kamatayan. Sa kailaliman ng puso ng tao doon nakahimlay ang isang paunang takot, isang takot na malayo mula sa mga minamahal, na hindi na kailanman muling makikita ng mga mata ang mga bughaw na kalangitan, na kailanma’y hindi na matitingnan ang materyal na mundo. Ang isang nalulungkot na kaluluwa, sanay na kasama ang mga minamahal, ay nag-aatubiling pakawalan ang kapit nito at lumisan, na nag-iisa, tungo sa isang di-nakikilala, hindi pamilyar na mundo.

3. Ang Buhay na Ginugol sa Paghahanap ng Katanyagan at Yaman ay Iiwan ang Isang Tao na Nalilito sa Harap ng Kamatayan

Dahil sa dakilang kapangyarihan at pagtatadhana ng Lumikha, ang isang nalulungkot na kaluluwa na nagsimula nang walang anuman sa pangalan niya ay magkakaroon ng mga magulang at isang pamilya, ng pagkakataon na maging kasapi ng sangkatauhan, ng pagkakataon na maranasan ang buhay ng tao at makita ang mundo; at natatamo rin ang pagkakataon na maranasan ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha, malaman ang kahanga-hangang paglikha ng Lumikha, at higit sa lahat, malaman at mapasailalim sa awtoridad ng Lumikha. Subalit hindi tunay na sinasamantala ng karamihan ng mga tao ang pambihira at madaling lumipas na pagkakataong ito. Inuubos ng isang tao ang panghabambuhay na halaga ng enerhiya sa paglaban sa kapalaran, ginugugol ang lahat ng kanyang panahon sa pagiging abala para buhayin ang kanyang pamilya at nagpapabalik-balik sa pagitan ng kayaman at katayuan. Ang mga bagay na pinakaiingat-ingatan ng mga tao ay ang pamilya, salapi, at katanyagan; tinitingnan nila ang mga bagay na ito bilang pinakamahahalagang bagay sa buhay. Lahat ng tao ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga kapalaran, subalit isinasantabi pa rin nila sa kanilang mga isip ang mga katanungan na pinakamahalagang suriin at unawain: bakit buhay ang tao, paano dapat mabuhay ang tao, ano ang kahalagahan at kahulugan ng buhay. Sa kanilang buong buhay, gaano man karaming taon ang mga iyon, nagiging abala lang sila sa paghahanap ng katanyagan at mabuting kapalaran, hanggang sa lumipas ang kabataan nila, hanggang sila ay tumanda at maging kulubot; hanggang sa makita nila na hindi mapapahinto ng katanyagan at mabuting kapalaran ang pagdausdos tungo sa katandaan, na hindi maaaring punan ng salapi ang kahungkagan ng puso; hanggang sa maunawaan nila na walang sinuman ang malilibre mula sa batas ng kapanganakan, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan, na walang sinuman ang maaaring makatakas kung ano ang inilaan sa kanila ng kapalaran. Tanging kapag napilitan lamang silang harapin ang huling sugpungan ng buhay na tunay na mauunawaan nila na kahit na magmay-ari ang isang tao ng milyones na ari-arian, kahit marami siyang pribilehiyo at may mataas na ranggo, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kamatayan, bawat isa ay babalik sa kanyang orihinal na posisyon: isang nag-iisang kaluluwa, na walang anuman sa pangalan niya. Kapag ang isang tao ay may mga magulang, naniniwala siya na ang kanyang mga magulang ang lahat; kapag ang isang tao ay may ari-arian, iniisip niya na ang salapi ang pangunahing sandigan niya, na ito’y bagay na mahalaga sa buhay; kapag ang mga tao ay may katayuan, mahigpit ang pagkapit nila dito at isasapalaran nila ang kanilang mga buhay dahil dito. Tanging kapag bibitawan na ng mga tao ang mundong ito na matatanto nilang ang mga bagay na pinaggugulan nila ng kanilang buhay para kamtin ay parang lumilipas lang na mga ulap, wala dito ang maaari nilang panghawakan, wala dito ang maaari nilang isama, wala dito ang maaaring maglibre sa kanila mula sa kamatayan, wala dito ang maaaring magbigay ng makakasama o aliw sa isang malungkot na kaluluwa sa pagbabalik nito; at lalong wala dito ang maaaring magbigay sa tao ng kaligtasan, magpahintulot sa kanilang mapangibabawan ang kamatayan. Ang katanyagan at mabuting kapalaran na natatamo ng isang tao sa materyal na mundo ay maaaring makapagbigay sa kanya ng panandaliang kasiyahan, lumilipas na kaaliwan, isang huwad na pakiramdam ng kaluwagan, dahilan para mawala sa landas ang isang tao. Kaya habang sila’y kumukuwag-kuwag sa malawak na dagat ng sangkatauhan, nananabik sa kapayapaan, kaginhawahan, at kapanatagan ng puso, ang mga tao’y muli’t muling nadadala sa ilalim ng mga alon. Kapag malalaman pa lamang ng mga tao ang mga katanungan na pinakamahalagang maunawaan—kung saan sila nanggaling, bakit sila buhay, saan sila papunta, at iba pa—sila ay naaakit ng katanyagan at mabuting kapalaran, inililigaw, kinokokontrol ng mga ito, tuluyang nawawala. Mabilis lumilipas ang panahon; dumadaan ang mga taon sa isang kisapmata; bago pa matanto ng isang tao, siya ay nakapagpaalam na sa pinakamaiinam na taon ng kanyang buhay. Kapag malapit nang lumisan ang isang tao mula sa mundo, unti-unti niyang matatanto na ang lahat sa mundo ay inaanod, na hindi na siya makakapit sa mga pag-aari niya; doon tunay na nararamdaman ng isang tao na siya ay walang kahit anong pag-aari, tulad ng isang tumataghoy na sanggol na kalalabas lang sa mundo. Sa puntong ito, napipilitan siyang pag-isipan kung ano ang nagawa niya sa buhay, ano ang kabuluhan ng pagiging buhay, ano ang kahulugan nito, bakit naparito siya sa mundo; at sa puntong ito, mas ninanais niyang malaman kung tunay na may buhay sa kabilang buhay, kung tunay na umiiral ang Langit, kung talagang mayroong kabayaran…. Habang mas papalapit ang isang tao sa kamatayan, mas ninanais niyang maunawaan kung tungkol saan talaga ang buhay; habang mas papalapit siya sa kamatayan, tila mas hungkag ang puso niya; habang mas papalapit siya sa kamatayan, mas nararamdaman niya ang kawalang-magawa; kaya lumalaki ang takot niya sa kamatayan sa bawat araw. May dalawang dahilan kung bakit kumikilos ang mga tao sa ganitong paraan habang papalapit sila sa kamatayan: Una, malapit nang mawala sa kanila ang katanyagan at kayamanan kung saan nila iniasa ang kanilang buhay, na iiwan na nila ang lahat na nakikita sa mundo; at ikalawa, kakaharapin na nila, nang mag-isa, ang isang hindi pamilyar na mundo, isang misteryoso, di-kilalang mundo kung saan sila natatakot pumunta, kung saan wala silang mga mahal sa buhay at walang susuporta. Dahil sa dalawang dahilang ito, lahat ng humaharap sa kamatayan ay di-mapalagay, nakakaranas ng sindak at isang pakiramdam ng kawalang-magawa na hindi nila kailanman naranasan. Tanging kapag ang mga tao ay talagang nakarating na sa puntong ito na matatanto nila na ang unang bagay na dapat maunawaan ng isang tao, kapag umapak siya sa mundong ito, ay kung saan nanggaling ang mga tao, bakit buhay ang mga tao, sino ang nagdidikta ng kapalaran ng tao, sino ang nagbibigay at may kapangyarihan sa pag-iral ng tao. Ang mga ito ang tunay na mahahalaga sa buhay, ang pangunahing batayan para sa kaligtasan ng tao, hindi ang pagkakatuto kung paano suportahan ang sariling pamilya, o kung paano makakamtan ang katanyagan at kayamanan, hindi ang matutuhan kung paano mamumukod-tangi sa karamihan ng tao o kung paano magkaroon ng isang mas marangyang pamumuhay, mas lalong hindi upang matutuhan kung paano mahihigitan o tagumpay na makipagpaligsahan sa iba. Bagaman ang iba’t ibang kasanayan para sa kaligtasan sa buhay na pinaggugugulan ng mga tao ng kanilang buhay para makabisado ay maaaring makapaghandog ng isang kasaganaan sa mga materyal na kaginhawahan, ang mga ito ay di-kailanman nakapagdadala sa puso ng isang tao ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, sa halip ay patuloy na nagiging dahilan para mawala ng mga tao ang kanilang direksyon, mahirapang kontrolin ang kanilang mga sarili, mapalampas ang bawat pagkakataon na matutuhan ang kabuluhan ng buhay; at sila’y lumilikha ng mga problema tungkol sa kung paano ang wastong pagharap sa kamatayan. Sa ganitong paraan, nasisira ang mga buhay ng mga tao. Tinatrato ng Lumikha ang lahat nang patas, binibigyan ang bawat isa ng panghabambuhay na mga pagkakataon na maranasan at makilala ang Kanyang dakilang kapangyarihan, subalit tanging kapag papalapit na ang kamatayan, kapag nakaamba na sa isang tao ang kawit ni kamatayan, doon lamang nakikita ng tao ang liwanag—at sa gayon ay huli na.

Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kung malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at kawalang-magawa, na walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na di mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makakapagpahaba ng buhay ng isang tao kahit na nang isang minuto, nang isang segundo. Habang mas nararamdaman ng mga tao ito, mas lalo nilang ninanais na patuloy na mabuhay; habang mas nararamdaman ng mga tao ito, mas kinatatakutan nila ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa punto lang na ito tunay na mapagtatanto nila na ang kanilang mga buhay ay hindi sa kanila, na hindi sa kanila para kontrolin, at na walang sinuman ang makapagsasabi kung siya ay mabubuhay o mamamatay, na ang lahat ng ito ay wala sa kanyang kontrol.

4. Sumailalim sa Kapamahalaan ng Lumikha at Mahinahon na Harapin ang Kamatayan

Sa sandaling ipanganak ang isang tao, sinisimulan ng isang malungkot na kaluluwa na danasin ang buhay sa mundo, na danasin ang awtoridad ng Lumikha na isinaayos ng Lumikha para dito. Di man kailangang sabihin, para sa tao, sa kaluluwa, ito ay isang napakagandang pagkakataon na magkaroon ng kaalaman sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha, na makilala ang Kanyang awtoridad at personal na maranasan ito. Nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng mga batas na inilatag para sa kanila ng Lumikha, at para sa sinumang makatwirang tao na may konsensya, ang pagtanggap sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha at malaman ang Kanyang awtoridad sa loob ng ilang dekada ng kanilang buhay sa mundo ay hindi isang bagay na mahirap gawin. Kaya napakadali sana para sa isang tao ang makilala, sa pamamagitan ng kanyang sariling mga karanasan sa buhay sa nakaraang ilang dekada, na lahat ng kapalaran ng tao ay itinadhana, at maunawaan o ibuod kung ano ang kahulugan ng maging buhay. Kasabay ng pagyakap ng isang tao sa mga aral ng buhay, unti-unti niyang mauunawaan kung saan nanggagaling ang buhay, na maintindihan kung ano ang tunay na kinakailangan ng puso, ano ang makapagdadala sa kanya sa tunay na landas ng buhay, ano dapat ang misyon at layunin sa buhay ng tao; at unti-unting makikilala niya na kung hindi niya sasambahin ang Lumikha, kung hindi siya pasasailalim sa Kanyang kapamahalaan, samakatwid kapag haharapin niya ang kamatayan—kapag ang isang kaluluwa ay haharap nang muli sa Lumikha—mapupuno ang kanyang puso ng walang hanggang takot at pagkabalisa. Kapag ilang dekada nang nabubuhay ang isang tao sa mundo at hindi pa rin niya alam kung saan nanggaling ang buhay ng tao, hindi pa rin niya nakikilala kung sa kaninong palad nakalagay ang kapalaran ng tao, samakatwid hindi nakapagtataka na hindi niya makakayang harapin ang kamatayan nang mahinahon. Ang isang tao na nakatamo ng kaalaman sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha matapos makaranas ng ilang dekada ng buhay, ay isang tao na may tamang pagpapahalaga sa kahulugan at halaga ng buhay; isang tao na may malalim na kaalaman sa layunin ng buhay, na may tunay na karanasan at pagkaunawa sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha; at higit pa, isang tao na nagpapasailalim sa awtoridad ng Lumikha. Nauunawaan ng ganoong tao ang kahulungan ng paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, nauunawaan niya na dapat sambahin ng tao ang Lumikha, na lahat ng pag-aari ng tao ay nagmumula sa Lumikha at babalik sa Kanya balang-araw di-kalayuan sa hinaharap; nauunawaan ng ganoong tao na ang Lumikha ang nagsasaayos ng kapanganakan ng tao at may kapangyarihan sa kamatayan ng tao, at ang kapwa kamatayan at buhay ay itinadhana ng awtoridad ng Lumikha. Kaya, kapag tunay na naiintindihan ng isang tao ang mga bagay na ito, siya ay natural na makakaharap sa kamatayan nang mahinahon, isasantabi ang lahat ng makamundong pag-aari niya nang mahinahon, tatanggapin at masayang magpapasailalim sa lahat ng kasunod, at malugod na tatanggapin ang huling sugpungan ng buhay na isinaayos ng Lumikha sa halip na walang taros na katakutan at labanan ito. Kung tinitingnan ng isang tao ang buhay bilang isang pagkakataon para maranasan ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha at makilala ang Kanyang awtoridad, kung nakikita niya na ang kanyang buhay ay isang pambihirang pagkakataon upang gampanan ang sariling tungkulin bilang isang nilikhang tao at tuparin ang kanyang misyon, sa gayon siya ay talagang mayroong wastong pananaw sa buhay, magkakaroon ng buhay na pinagpala at ginagabayan ng Lumikha, lalakad sa liwanag ng Lumikha, makikilala ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha, mapapasailalim sa Kanyang kapamahalaan, magiging isang saksi sa Kanyang mahimalang mga gawain at sa Kanyang awtoridad. Di man kailangang sabihin, ang ganoong tao ay talagang minamahal at tinatanggap ng Lumikha, at tanging ang ganoong tao ang maaaring magkaroon ng mahinahong saloobin para sa kamatayan, magagalak na salubungin ang huling sugpungan ng buhay. Si Job ay malinaw na nagkaroon ng ganitong uri ng saloobin ukol sa kamatayan; nasa posisyon siya noon na masayang tanggapin ang huling sugpungan ng buhay, at nang madala ang kanyang paglalakbay sa buhay tungo sa isang maayos na katapusan, nang makumpleto ang kanyang misyon sa buhay, bumalik siya sa tabi ng Lumikha.

5. Ang mga Pagsusumikap at mga Natamo ni Job sa Buhay ang Nagpahintulot sa Kanya upang Mahinahong Harapin ang Kamatayan

Sa Bibliya nasusulat ang tungkol kay Job: “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ito’y nangangahulugan na nang namatay si Job, wala siyang mga panghihinayang at hindi nakaramdam ng sakit, kundi natural na lumisan sa mundong ito. Gaya ng nababatid ng lahat, si Job ay isang tao na may takot sa Diyos at iniwasan ang kasamaan nang siya’y nabubuhay pa; pinapurihan ng Diyos ang kanyang matuwid na mga gawa, inalala siya ng mga tao, at ang kanyang buhay, higit kaninuman, ay nagkaroon ng halagahan at kabuluhan. Tinamasa ni Job ang mga pagpapala ng Diyos at tinawag Niya siyang matuwid sa lupa, at siya’y sinubukan din ng Diyos, at tinukso ni Satanas; naging saksi siya ng Diyos at narapat na matawag na isang matwid na tao. Sa panahon ng ilang dekada matapos siyang subukan ng Diyos, nagkaroon siya ng buhay na mas higit pang mahalaga, makahulugan, makatwiran, at mapayapa kaysa dati. Dahil sa kanyang matuwid na mga gawain, sinubukan siya ng Diyos; dahil sa kanyang matuwid na mga gawain, nagpakita sa kanya ang Diyos at diretsong nakipag-usap sa kanya. Kaya sa mga taon matapos masubukan naunawaan at pinahalagahan ni Job ang buhay sa isang mas kongkretong paraan, nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha, at nagtamo ng mas tumpak at tiyak na kaalaman kung paano ang Lumikha ay nagbibigay at nag-aalis ng Kanyang mga pagpapala. Itinatala ng Aklat ni Job na nagkaloob ang Diyos na si Jehova ng mas higit na mga pagpapala kay Job kaysa sa dati Niyang ibinigay dito, naglagay kay Job sa mas mainam pang posisyon upang kilalanin ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha at harapin ang kamatayan nang mahinahon. Kaya nang tumanda na at nahaharap na si Job sa kamatayan, tiyak na hindi siya nangamba tungkol sa kanyang mga ari-arian. Wala siyang mga alalahanin, walang pinanghihinayangan, at syempre hindi natakot sa kamatayan; pagkat ginugol niya ang lahat ng kanyang buhay sa paraang may takot sa Diyos, pag-iwas sa kasamaan, at walang dahilan upang mag-alala tungkol sa sarili niyang katapusan. Ilang tao ngayon ang maaaring kumilos sa lahat ng kaparaanang ginawa ni Job nang kanyang harapin ang sarili niyang kamatayan? Bakit walang sinuman ang nakakapagpanatili ng ganoong kasimpleng panlabas na tikas? Isa lang ang dahilan: Nabuhay si Job sa pansariling pagsusumikap sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasailalim sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at dahil sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasailalim na ito, nakalampas siya sa mahalagang mga sugpungan ng buhay, isinabuhay ang kanyang mga huling taon, at binati ang panghuling sugpungan ng kanyang buhay. Anuman ang naranasan ni Job, ang mga pagsisikap niya at mga layunin sa buhay ay masasaya, hindi masasakit. Siya ay maligaya hindi dahil sa mga pagpapala o pagpupuri na iginawad sa kanya ng Lumikha, kundi mas mahalaga pa, dahil sa kanyang mga pagsusumikap at mga layunin sa buhay, dahil sa unti-unting kaalaman at tunay na pagkaunawa sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha na kanyang natamo sa pamamagitan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at dagdag pa, dahil sa nakamamanghang mga gawain Niya na personal na naranasan ni Job sa panahon na napailalim siya sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha, at ang mainit at di-malilimutang mga karanasan at mga alaala ng pakikipamuhay, pakikipagkilala, at kapwa pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos; dahil sa kaalwanan at kaligayahan na nagmula sa pagkakilala sa kalooban ng Lumikha; dahil sa paggalang na lumitaw matapos makita na Siya ay dakila, kamangha-mangha, kaibig-ibig, at matapat. Ang dahilan kung bakit nakayang harapin ni Job ang kamatayan nang walang paghihirap ay dahil batid niya na, sa pagkamatay, siya’y babalik sa tabi ng Lumikha. At ang mga pinagsikapan at mga natamo niya sa buhay ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang kamatayan nang mahinahon, harapin ang posibilidad na babawiin ng Lumikha ang kanyang buhay, nang may panatag na puso, at dagdag pa, ang makatindig, hindi nadungisan at walang inaalala, sa harap ng Lumikha. Maaari kayang matamo ng mga tao sa kasalakuyan ang ganitong uri ng kaligayahan na naangkin ni Job? Kayo ba mismo ay nasa posisyon na gawin ito? Yamang ang mga tao sa kasalukuyan ay gayon, bakit hindi sila maaaring mabuhay nang maligaya, tulad ng ginawa ni Job? Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang mga tao ang napapaihi; ang iba’y nanginginig, nahihimatay, nagagalit sa Langit at pati na sa tao, nananaghoy at tumatangis pa. Ang mga ito’y hindi biglaang mga reaksiyon na nangyayari kapag papalapit na ang kamatayan. Pangunahing kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan sapagkat, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na kaalaman at pagkilala sa dakilang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, mas lalong hindi tunay na nagpapasailalim sa mga iyon; sapagkat walang gusto ang mga tao kundi sila mismo ang magsaayos at mamahala sa lahat, ang kumontrol sa sarili nilang kapalaran, sa sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman’y hindi matatakasan ng mga tao ang takot sa kamatayan.

6. Tanging sa Pagtanggap sa Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha na Maaaring Makabalik ang Isang Tao sa Kanyang Tabi

Kapag ang isang tao ay walang malinaw na pagkaunawa at karanasan sa dakilang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, tiyak na magiging magulo ang kaalaman niya tungkol sa kapalaran at sa kamatayan. Hindi makita ng mga tao nang malinaw na ang lahat ng ito ay nasa palad ng Diyos, hindi natatanto na ang Diyos ang may kontrol at may kapangyarihan sa mga ito, hindi nakikilala na hindi maaaring isantabi o matakasan ang ganoong kapangyarihan; kung kaya kapag nahaharap sa kamatayan walang katapusan ang kanilang huling mga salita, alalahanin, at panghihinayang. Pinipigilan sila ng sobrang bagahe, sobrang pag-aatubili, sobrang pagkalito, at mga sanhi lahat ng ito upang sila’y matakot sa kamatayan. Para sa sinumang isinilang sa mundong ito, ang kanilang kapanganakan ay kinakailangan at ang kanilang kamatayan ay hindi maiiwasan, at walang sinumang makakalampas sa landas na ito. Kung nais ninuman na lisanin ang mundong ito nang hindi nasasaktan, kung nais ng isang tao na makaharap ang huling sugpungan ng buhay na walang pag-aatubili o pag-aalala, ang tanging paraan ay ang umalis nang walang mga panghihinayang. At ang tanging paraan ng pag-alis na walang mga panghihinayang ay ang makilala ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha, makilala ang Kanyang awtoridad, at pasailalim sa mga ito. Tanging sa ganitong paraan maaaring manatiling malayo mula sa mga alitan ng tao, mula sa kasamaan, mula sa pang-aalipin ni Satanas; tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay ang isang tao tulad ni Job, ginagabayan at pinagpapala ng Manliklikha, isang buhay na malaya at napalaya, isang buhay na may kahalagahan at kahulugan, isang buhay na tapat at bukas-puso; tanging sa ganitong paraan maaaring magpasailalim ang isang tao, tulad ni Job, na masubukan at mabawian ng Lumikha, magpasailalim sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha; tanging sa ganitong paraan maaaring sambahin ng isang tao ang Lumikha nang buong buhay niya at makamit ang Kanyang papuri, gaya ng ginawa ni Job, at marinig ang Kanyang tinig, makita ang Kanyang pagpapakita; tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay at mamatay ang isang tao nang maligaya, tulad ni Job, na walang sakit, walang inaalala, walang mga panghihinayang; tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay sa liwanag, tulad ni Job, daanan ang bawat sugpungan ng buhay nang magaan, maayos na makumpleto ang sariling paglalakbay sa liwanag, matagumpay na makamtan ang sariling misyon—na maranasan, matutuhan, at makilala ang dakilang kapangyarihan ng Lumikha bilang isang nilalang—at mamatay sa liwanag, at magpakailanma’y tumindig sa tabi ng Lumikha bilang isang taong nilalang, na pinupuri Niya.

Rekomendasyon: Sermon outline tagalog