27.5.19

Ang Bumalik na Mga Salita ng Panginoong Jesus-Tinalo ni Job si Satanas at Naging Tunay na Lalake sa Paningin ng Diyos


Ang Bumalik na Mga Salita ng Panginoong Jesus-Tinalo ni Job si Satanas at Naging Tunay na Lalake sa Paningin ng Diyos



Madalas kong sabihin na tumitingin ang Diyos sa puso ng mga tao, at ang mga tao ay tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Dahil ang Diyos ay tumitingin sa puso ng mga tao, nauunawaan Niya ang kanilang diwa, samantalang inilalarawan ng mga tao ang diwa ng ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo. Noong binuksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang kanyang kaarawan, ginulat nito ang mga espirituwal na pinuno, kabilang na ang tatlong kaibigan ni Job. Ang tao ay nanggaling sa Diyos, at dapat na nagpapasalamat para sa buhay at laman, pati na rin sa araw ng kanyang kapanganakan, na ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi niya dapat isumpa ang mga ito. Naiintindihan at nauunawaan ito ng karamihan ng tao. Para sa sinumang sumusunod sa Diyos, ang pang-unawang ito ay banal at hindi dapat nilalabag, ito ay isang katotohanan na hindi kailanman magbabago. Sa kabilang banda, nilabag ni Job ang mga patakaran: Isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa itong gawain na itinuturing ng karamihan bilang pagtawid sa ipinagbabawal na lupain. Hindi lamang siya hindi karapat-dapat sa pang-unawa at simpatiya ng mga tao, hindi rin siya karapat-dapat sa kapatawaran ng Diyos. Kasabay nito, mas maraming tao ang nagduda sa pagkamatuwid ni Job, dahil tila ba naging makasarili siya bunga ng papuri ng Diyos sa kanya, naging sobrang mapangahas at walang ingat kung kaya hindi lamang siya hindi nagpasalamat sa Diyos sa mga biyaya at pag-aalaga Niya sa kanya sa kanyang buong buhay, ngunit isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Ano ito, kung hindi pagsalungat sa Diyos? Ang mga ganitong kababawan ang nagbibigay sa mga tao ng patunay upang kondenahin ang ginawang ito ni Job, ngunit sino ang nakakaalam ng tunay na iniisip ni Job sa oras na iyon? At sino ang nakakaalam kung bakit kumilos si Job nang ganoon? Tanging ang Diyos at si Job lamang ang may alam ng tunay na kuwento at mga dahilan dito.


Noong iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan ang mga buto ni Job, nahulog si Job sa kanyang mga kamay, nang walang paraan upang makatakas o lakas upang lumaban. Nagdusa ang kanyang katawan at kaluluwa ng napakatinding sakit, at dahil sa sakit na ito nagkaroon siya ng malalim na kamalayan sa kawalang-saysay, kahinaan, at kawalan ng kapangyarihan ng taong namumuhay sa laman. Kasabay nito, nagkaroon din siya ng malalim na pag-unawa kung bakit inaalagaan at iniingatan ng Diyos ang sangkatauhan. Sa mga kamay ni Satanas, napagtanto ni Job na ang tao, na may laman at dugo, ay talagang walang kapangyarihan at mahina. Noong napaluhod at nanalangin siya sa Diyos, nadama niya na tila ba tinatakpan ng Diyos ang Kanyang mukha, at nagtatago, sapagkat ganap siyang inilagay ng Diyos sa mga kamay ni Satanas. Kasabay nito, umiyak din ang Diyos para sa kanya, at, higit pa rito, ay nasaktan para sa kanya; ang Diyos ay nasaktan dahil sa kanyang sakit, at nasugatan dahil sa kanyang mga sugat.… Nadama ni Job ang sakit ng Diyos, pati na rin kung gaano ito kahirap para sa Diyos.… Ayaw na ni Job na magdulot ng karagdagang pighati sa Diyos, at hindi na niya nais na umiyak ang Diyos para sa kanya, lalong hindi niya nais na makitang nasasaktan ang Diyos dahil sa kanya. Sa sandaling ito, ninais lamang ni Job na ihiwalay ang sarili niya sa kanyang laman, upang hindi na tiisin ang sakit na dala sa kanya ng laman na ito, dahil ito ang makakapigil sa paghihirap ng Diyos dahil sa kanyang sakit—ngunit hindi niya kaya, at kinailangan niyang tiisin hindi lamang ang sakit ng laman, kundi pati ang paghihirap ng pagnanais na huwag mag-alala ang Diyos. Ang dalawang sakit na ito—isa mula sa laman, at isa mula sa espiritu—ay nagdala ng makabagbag-damdamin at nakakapanginig-laman na sakit kay Job, at nagparamdam sa kanya kung paano maaaring iparamdam ng limitasyon ng tao na laman at dugo ang pagiging bigo at mahina. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, naging mas matindi ang kanyang pananabik para sa Diyos, at naging mas matindi ang kanyang pagkamuhi kay Satanas. Sa oras na ito, mas gugustuhin pa ni Job na hindi na lamang ipinanganak sa mundo ng tao, mas gugustuhin pa niya na hindi na siya umiiral, kaysa makita ang Diyos na lumuluha o nasasaktan dahil sa kanyang kapakanan. Nagsimula siyang mapoot nang husto sa kanyang laman, at mapagod sa kanyang sarili, sa araw ng kanyang kapanganakan, at maging sa lahat ng may kinalaman sa kanya. Ayaw niyang makarinig ng tungkol sa kanyang araw ng kapanganakan o anumang bagay na may kinalaman dito, kaya binuksan niya ang kanyang bibig at isinumpa ang kanyang kaarawan: “Mapawi sana ang kaarawan ng kapanganakan ko, at ang gabi kung kailan sinabi, may isang batang lalaking ipinaglihi. Magdilim sana ang kaarawang iyon; huwag sanang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag (Job 3:3-4). Dala ng mga salita ni Job ang poot niya sa sarili niya, “Mapawi sana ang kaarawan ng kapanganakan ko, at ang gabi kung kailan sinabi, may isang batang lalaking ipinaglihi,” pati na rin ang kanyang galit sa kanyang sarili at pakiramdam ng pagkakautang dahil naging sanhi siya ng pasakit sa Diyos, “Hayaan ang kaarawang iyon na maging kadiliman; huwag sanang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag ang mga ito.” Ang dalawang sipi na ito ay ang sukdulang paghahayag sa nadarama ni Job noon, at ganap na pinatunayan ang kanyang pagiging perpekto at matuwid sa lahat. Kasabay nito, gaya ng ninais ni Job, tunay na itinaas ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, pati na rin ang kanyang takot sa Diyos. Siyempre, ang pagtataas na ito mismo ang resulta na inaasahan ng Diyos.

Tinalo ni Job si Satanas at Naging Tunay na Lalake sa Paningin ng Diyos

Noong unang dinanas ni Job ang kanyang mga pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at lahat ng kanyang anak, subalit hindi siya nadapa o nagsabi ng anuman na kasalanan laban sa Diyos bilang bunga nito. Napagtagumpayan niya ang mga tukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian at mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng kanyang makamundong ari-arian, ibig sabihin, nagawa niyang sumunod sa pagkuha ng Diyos sa kanya at nagbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil dito. Ganito ang asal ni Job sa panahon ng unang tukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kanyang kamay upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang sakit na ‘di pa niya nararanasan noon, sapat na ang kanyang patotoo upang kamanghaan siya ng mga tao. Ginamit niya ang kanyang katatagan ng loob, pananalig, at pagkamasunurin sa Diyos, pati na rin ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling sinang-ayunan at pinaboran ng Diyos ang kanyang asal at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang tunay na asal upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos o alisin ang kanyang debosyon at takot sa Diyos; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa determinasyon ni Job naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananampalataya natakot at nanginig si Satanas, dahil sa pwersa ng kanyang pakikipaglaban kay Satanas buhay man o kamatayan ang kahihinatnan, nagkaroon ng malalim na galit at hinagpis si Satanas, dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid, wala nang magawa sa kanya si Satanas, kung kaya tinalikuran ni Satanas ang paglusob sa kanya at ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na Jehova. Nangangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, napagtagumpayan niya ang kamatayan; siya ay isang taong ganap at lubos na pag-aari ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, naging matatag si Job sa kanyang patotoo, at tunay na isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at pinalawak ang saklaw ng alituntunin niya sa buhay na pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas magulang at mas marunong siya, naging mas malakas, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtitiwala Siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng katapatang pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na Jehova ng malalim na pag-unawa at pakiramdam sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na Jehova ay hindi lamang hindi inilayo si Job mula sa Kanya, ngunit mas inilapit pa ng mga ito ang kanyang puso sa Diyos. Noong umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, dahil sa pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na Jehova, wala siyang nagawa kundi sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi binalak, ngunit isang natural na paghahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa loob ng kanyang puso, ito ay isang likas na paghahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinapopootan niya ang sarili niya, at ayaw niya, at hindi niya matiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba, pananabik at malasakit sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya, pagsunod at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na maaaring magdulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, kahit na si Job ay ang dati pa ring Job, nagdala ang kanyang pananampalataya, pagsunod, at takot sa Diyos ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Sa oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inaasahan ng Diyos na makakamit niya, siya ay naging tunay na karapat-dapat na tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagpatagumpay sa kanya laban kay Satanas at nagpatibay sa kanya sa kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagperpekto sa kanya, at nagtaas sa halaga ng kanyang buhay at mangibabaw nang higit pa sa kailanman, at gumawa sa kanya bilang ang unang tao na hindi na kailanman lulusubin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya’y pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon si Job ang naging unang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos, at nabuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos na walang pagmamanman o paninira ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na lalake sa paningin ng Diyos, siya ay napalaya….

mula sa Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao