5.3.19

Kaliwanagan Mula sa mga Kwento ng Dalawang Mayamang Tao sa Biblia


Gawa ni Huanle, Tsina

Ngayon, gusto kong ibahagi sa lahat ang kaliwanagan na nakuha ko mula sa mga kwento ng dalawang mayayamang tao sa Lumang Tipan—sina Solomon at Job. Silang dalawa, gaya ng alam nating lahat, ay parehong pinagpala ng Diyos sa una, pero magkaiba ang kinahinatnan nila. Ano ang naging dahilan ng pagkakaiba ng kinalabasan nila? Para malaman ang sagot sa tanong na ito, tingnan natin ang kanilang mga kwento.

Gaano kayaman si Solomon?

Minsan, nagpakita kay Solomon ang Diyos na Jehova sa isang panaginip at tinanong siya kung ano’ng gusto niyang matanggap. Hiniling lang ni Solomon sa Diyos na bigyan siya ng karunungan, na tinanggap ng Diyos. At pagkatapos ay sinabi ng Diyos sa kanya, “Sapagka’t iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo’y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan; Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa’t walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo. At akin namang ibinigay sa iyo ang hindi mo hinihingi, ang kayamanan at gayon din ang karangalan, na anopa’t walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga kaarawan” (1 Mga Hari 3:11-13). Binigyan ng malalaking biyaya ng Diyos na Jehova si Solomon, hindi lang siya binigyan ng malaking karunungan kundi ginawa pang lalong makapangyarihan at masagana ang bansa niya, kaya, maraming mga bansa ang gumalang sa kanya. Ang sumusunod na mga kasulatan ang mga detalyadong talaan tungkol sa kasaganaan ng kanyang bansa nung ginintuang panahon ng kanyang paghahari.

“Ang Juda at ang Israel ay marami, na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan, at nagiinuman, at nagkakatuwa. At si Salomon ay nagpupuno sa lahat ng kaharian na mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Egipto: sila’y nagsipagdala ng mga kaloob, at nagsipaglingkod kay Salomon lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay” (1 Mga Hari 4:20-21).

Nung ginintuang panahong ‘yon ng paghahari ni Solomon, malaki ang populasyon ng bansa at lahat ng tao ay may mapayapa at kuntentong buhay; may kapangyarihan siya sa isang malaking teritoryo at may isang malaki at malakas na hukbo; lahat ng mga hari ng mga nakapaligid na bansa ay pumunta para magbigay respeto sa kanya, at nahigitan pa ng kayamanan niya ang kayamanan ng lahat ng iba pang mga hari sa mundo. Hindi ba kahanga-hanga ‘yon?

Gaano kayaman si Job?

Ngayon tingnan natin kung gaano kayaman si Job nung panahong ‘yon. Nakatala ‘yon sa Biblia, “At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae. Ang kaniyang pag-aari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa’t ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan” (Job 1:2-3).

Mula sa mga bersikulong ito malalaman natin na maraming anak si Job at nagtataglay ng maraming mga ari-arian. Marami siyang mga lingkod at mga alagang hayop na nagkalat sa mga bundok at kapatagan. Nung panahong ‘yon, siya na halos ang pinakamayamang tao sa silangan.

Kinamuhian at inayawan ng Diyos si Solomon.

Bukod sa pagbibigay ng karunungan at kayamanan kay Solomon, nangako rin sa kanya ang Diyos na Jehova, “At kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng inilakad ng iyong amang si David, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan” (1 Mga Hari 3:14). Gayon pa man, hindi sinunod ni Solomon ang atas na ito ng Diyos na Jehova na tahakin ang mga landas ng Diyos habang-buhay gaya ng ginawa ng kanyang amang si David: Matapos tumanggap ng hindi pangkaraniwang yaman, nagsimula siyang magpakasasa sa isang buhay ng luho at aliw, at lumayo siya sa daan ng pagkatakot sa Diyos, unti-unting tinalikuran ang Diyos sa kanyang puso; bukod do’n, nagpakasal siya sa maraming Hentil na babae at sinundan niya ang mga ‘yon sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, na lubos na lumalabag sa turo ng Diyos na Jehova, “Kayo’y huwag makikihalo sa kanila o sila man ay makikihalo sa inyo: sapagka’t walang pagsalang kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga dios” (1 Mga Hari 11:2).

Hindi tinahak ni Solomon ang landas ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, ngunit hayagan niyang nilabag ang mga kautusan ng Diyos na Jehova. Sa huli, sinaktan niya ang disposisyon ng Diyos. Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Yamang ito’y nagawa mo, at hindi mo iningatan ang aking tipan, at ang aking mga palatuntunan na aking iniutos sa iyo, walang pagsalang aking aagawin ang kaharian sa iyo, at aking ibibigay sa iyong lingkod. Gayon ma’y sa iyong mga kaarawan ay hindi ko gagawin alangalang kay David na iyong ama: kundi sa kamay ng iyong anak aking aagawin. Gayon ma’y hindi ko aagawin ang buong kaharian; kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alangalang kay David na aking lingkod, at alangalang sa Jerusalem na aking pinili” (1 Mga Hari 11:11-13). Dahil sa mga ginawa ni Solomon, kinamuhian at inayawan siya ng Diyos at nagpasyang agawin ang kaharian sa kanya. Kahit walang nakatala sa Ebanghelyo tungkol sa kinahinatnan ni Solomon matapos mawala sa kanya ang mga biyaya ng Diyos, hindi mahirap isipin kung ano’ng naramdaman niya mula sa sinabi niya sa kanyang mga huling taon, “Aking nakita ang lahat na gawa, na nagawa sa ilalim ng araw; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala” (Mangangaral 1:14). Nang mawala sa kanya ang Diyos, kahit nagtataglay pa rin siya ng karunungan, mataas na antas sa lipunan at kayamanan, hindi siya nakaramdam ng kabusugan o kasiyahan sa kanyang ispiritu, ngunit namuhay siya ng miserable at malungkot na buhay sa malaking palasyo hanggang sa kanyang katapusan.

Inayunan ng Diyos si Job.

Kumpara kay Solomon, pinanindigan ni Job ang daan ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa buong buhay niya. Bilang isang taong may malaking kayamanan, nasa kanya ang kabisera para magtamasa ng marangyang huhay, pero pinagpatuloy niya ang pagtahak sa daan ng Diyos. Sa tuwing matatapos ang kanyang mga anak sa pagpipiging, ipapatawag at gagawing banal niya ang mga ‘yon at magsasakripisyo ng mga sinunog na alay para sa kanila dahil sa takot na baka magalit nila ang Diyos. Gaya ng sinasabi sa Biblia, “At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka’t sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi” (Job 1:5).

Kahit nang mangyari sa kanya ang mga panunukso ni Satanas—dahilan para mawala ang malaki niyang kayamanan at lahat ng kanyang mga anak, at siya mismo ay nabalot ng masasakit na sugat sa buo niyang katawan—hindi niya tinalikuran ang Diyos o nagreklamo tungkol sa Kanya, ngunit nag-alay pa ng papuri sa Kanya, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Matapos siyang tumayong saksi sa mga pagsubok na ‘yon, nagpakita sa kanya ang Diyos mula sa isang ipu-ipo at pinagpala siya ng doble, gaya ng nakatala sa Biblia, “Sa gayo’y pinagpala ni Jehova, ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae. Siya nama’y nagkaroon din ng pitong anak na lalake at tatlong anak na babae. … At pagkatapos nito’y nabuhay si Job na isang daan at apat na pung taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa apat na saling lahi. Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:12-13, 16-17).

Mula sa mga salaysay sa Biblia, malalaman natin na kahit na nasa komportable o mahirap na kapaligiran siya, hindi nilayuan ni Job ang Diyos na Jehova, ngunit sinunod pa rin ang Kanyang daan. Dinala niya ang isang matibay na patotoo sa Diyos, umasa siya sa kanyang paggalang sa Diyos, at sa wakas ay nabuhay siya sa kanyang mga huling taon sa kapayapaan at kaligayahan.

Anong mga aral ang dapat nating matutunan mula sa mga kwentong ito?

Sina Solomon at Job ay parehong mga mananampalataya sa Diyos na may hindi mabilang na yaman sa umpisa, pero tinahak nila ang magkaibang landas at nagkaro’n ng magkaibang kinahinatnan: Nanatiling tapat si Job sa paraan ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa buong buhay niya at nagkamit ng mga biyaya ng Diyos sa huli; Si Solomon, matapos magkaro’n ng hindi maihahambing na yaman, ay nagsimulang magpakasasa sa makamundong kasiyahan, nawala ang kanyang pusong may takot sa Diyos at sadyang lumabag sa Kanyang mga kautusan nang walang kahit katiting na pagsisisi, at sa wakas ay nagbago mula sa isang taong kinikilingan ng Diyos sa isang taong kinamumuhian ng Diyos, nagdusa sa pagtalikod at pagpaparusa ng Diyos.

Mula sa mga kwento nina Solomon at Job, matututunan natin ang isang aral: Bilang mga Kristiyano, tanging kung mahigpit nating susundin ang mga turo ng Diyos at igagalang Siya sa lahat ng oras, maaari nating makamit ang kanyang pagsang-ayon at mga biyaya. Lalo na sa lipunan ngayon na puno ng mga pang-aakit at tukso, kapag lumayo sa Diyos ang ating mga puso at hindi na natin Siya iginalang, maaari tayong lamunin ng iba’t ibang masasamang kalakaran. Gaya ng nakita natin, ang ilan sa mga kapatid, matapos tumanggap ng saganang biyaya at pagpapala mula sa Panginoon, puno ng pananalig noong una silang nagsimula sa paniniwala sa Panginoon, at ang iba pa nga ay nagpasyang isuko ang buhay may-asawa at ilaan ang kanilang sarili para sa Diyos sa buong buhay nila. Gayon pa man, matapos maimpluwensyahan ng masasamang kalakaran, bukod sa hindi tinupad ng marami sa kanila ang mga pangakong binitawan nila sa Diyos, hinanap nila ang kayamanan at katanyagan, at nagsimulang mabawasan ang pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng Biblia; yung ilan, matapos magtayo ng sarili nilang mga pamilya, hindi na nakatuon sa paggawa ng mga gawain sa iglesia, naging abala na sa pagsusumikap para sa mas mabuting buhay para sa kanilang mga pamilya. Minsang nangako sa Diyos yung ilan na kahit gaano pa sila akitin ng masasamang kalakaran, hindi sila gagawa ng mga bagay na makakagalit at makakasuklam sa Diyos. Gayon pa man, nang mangyari sa kanila ang mga panunukso ni Satanas—nang habulin sila ng mga hinahangaan nilang taong hindi nila kabaro, nagsimula silang makaranas ng matinding panloob na laban, at yung ilan ay natuksong gumawa ng mga bagay na nakakagalit sa Diyos, at habang-buhay na magsisisi. May ilan din na, matapos minsang magpasya na maglilingkod sa Diyos habang-buhay, ay nabigong tuparin ang kanilang mga sinumpaan nang alukin sila ng isang disenteng trabaho ng kanilang mga kamag-anak o kaibigan o nang makakita sila ng pagkakataong yumaman. … Sa araw-araw na buhay, madalas mangyari sa ‘tin ang ganitong mga tukso, at kung hindi natin mapapanatili ang isang pusong gumagalang sa Diyos sa lahat ng oras gaya ng ginawa ni Job, posible tayong matulad kay Solomon, lumalabag sa mga tagubilin at iniatas ng Diyos sa atin, tumatalikod sa Kanyang daan at sa wakas ay kamumuhian at aayawan Niya. Sinasabi sa Biblia, “Magsilapit kayo sa Dios, at siya’y lalapit sa inyo” (Santiago 4:8). Kaya sa pamumuhay sa ganito kasamang mundo, kailangan nating lumapit sa Panginoon araw-araw, patuloy na manalangin at lumapit sa Kanya, hilingin sa Kanyang protektahan ang mga puso natin mula sa paglayo sa Kanya. At ang pinakamahalaga, dapat nating tandaan ang mga turo ng Panginoon at lumakad sa daan ng Diyos—ang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan gaya ng ginawa ni Job. Sa ganitong paraan lang natin maiiwasan ang maakit sa masasamang kalakaran at mawalan ng pinakamahalagang kayamanang ipinagkakaloob sa ‘tin ng Diyos—ang biyaya ng kaharian ng langit.